SGA-PILIPINAS GINANTIHAN ANG WONJU SA JONES CUP
NANATILING buhay ang manipis na tsansa ng Strong Group Athletics-Pilipinas na makapasok sa semifinals matapos tambakan ang Wonju DB Promy ng South Korea, 113-87, sa 2026 William Jones Cup kahapon sa Xinzhuang Gymnasium sa New Taipei City, Taiwan.
Bumawi ang koponan ni coach Charles Tiu mula sa 31-puntos na pagkatalo nito sa Wonju, 110-79, sa unang round matapos magtala ng dominanteng 26-puntos na panalo sa kanilang ikalawang paghaharap.
Maagang nagpakita ng tikas ang Strong Group matapos kunin ang 26-17 bentahe sa first quarter bago ito pinalobo sa 51-35 pagsapit ng halftime.
Nagpatuloy ang pag-arangkada ng two-time defending champion sa third quarter bago kumawala sa final period at umiskor ng 39 puntos upang selyuhan ang panalo.
Pinangunahan ni Matthew Wright ang Strong Group sa kanyang 24 puntos, habang nagdagdag si Tajuan Agee ng 22. May 19 puntos si Ian Bennett Miller, 16 si Derrick Steven Fenner Jr., 12 si Remy Martin at 10 si Boban Marjanovic.
Naging mahusay rin ang shooting ng Strong Group, na bumuslo ng 56.8 porsiyento mula sa two-point range at 56.3 porsiyento mula sa three-point area, bukod pa sa 17-of-24 shooting mula sa free-throw line.
Pinangunahan naman ng Filipino-American import na si Ethan Alvano ang Wonju matapos magpakawala ng 37 puntos. Nagdagdag si Sangjae Kang ng 19, habang nagtala si Rayshoun Hammonds ng siyam.
Sa kabila ng dominanteng panalo, nananatiling alanganin ang semifinal bid ng Strong Group dahil sa kakaibang format ng torneo.
Awtomatikong pasok sa semifinals ang host na Chinese Taipei Blue anuman ang maging puwesto nito sa Group A. Ang natitirang semifinal slot mula sa grupo ay mapupunta sa pinakamahusay na koponan sa pagitan ng Strong Group, Wonju DB Promy at Japan.
Hindi naging sapat ang 26-puntos na panalo ng Strong Group upang mabura ang pinsalang dulot ng 31-puntos nitong pagkatalo sa Wonju sa unang round. Dahil dito, nananatili ang limang puntos na bentahe ng Korean side sa pinagsamang scoring margin sa kanilang dalawang paghaharap.
Para makausad sa semifinals, kailangang talunin ng Strong Group ang Chinese Taipei Blue sa huling laro nito sa Group A ngayong gabi at kasabay nito ay umasa na matatalo ang Wonju DB Promy sa Japan, na wala pang panalo sa grupo.
Nakasalalay ngayon ang semifinal hopes ng Strong Group hindi lamang sa sarili nitong laro kundi maging sa resulta ng laban ng Japan at Wonju.