SENADOR SA PSC: AYUSIN ANG GULO SA PATAFA AT KAY OBIENA
MULING nanawagan si Senate Committee on Sports Chairman Christopher 'Bong' Go sa Philippine Sports Commission (PSC) na ayusin ang gusot sa pagitan ni EJ Obiena at Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA).
“Nakakalungkot na dahil sa bangayan, nasayang ang pagkakataong mabigyan muli ng karangalan ang ating bansa sa larangan ng sports,” pahayag ni Go.
“What has now happened to our battle cry ‘we win as one’ if we could not even resolve issues as one and unite and support our athletes as one people, as one nation?” dagdag ng senador.
Ipinaliwanag ni Go na una na siyang nagpatawag ng hearing noong February 7 at hinimok ang PATAFA at si Obiena na mag-usap at pumayag na lumahok muli sa mediation process.
“Dahil ongoing pa ang mediation process, patuloy akong nananawagan sa PSC at sa dalawang panig na magusap at bilisan ang pagresolba ng gusot na ito. Ang kooperasyon ninyo ang kailangan para maayos ang lahat for the sake of our country. Magkaisa po tayo at sana ay walang pulitika sa sports,” giit pa ni Go.
“Ayusin na ang dapat ayusin. Gawin ninyo ang tama, isantabi ang pansariling interes, at resolbahin ang mga hindi pagkakaunawaan. Maging magandang ehemplo po sana kayo sa inyong salita at gawa dahil maraming mga Pilipino ang tumitingala sa inyo,” dagdag pa ng senador.
Ipinaalala pa ni Go na umaasa ang buong sambayanan na magiging maganda ang kahihinatnan ng usapan para na rin sa kapakanan ng susunod na henerasyon ng mga atleta.