Overtime

SEAG, ASIAD, OLYMPICS TARGET NG 13-ANYOS NA FIL-AM FENCER

28 August 2026

SA EDAD na 13, nakatutok na si Christine May Morales sa malalaking kompetisyon sa international fencing, kabilang ang Southeast Asian Games, Asian Games at sa hinaharap ay ang Olympic Games.

Ang Grade 8 student ng University of the East-Manila ay isa sa mga batang umaangat sa Philippine fencing program matapos ang kanyang matagumpay na kampanya sa Southeast Asian Fencing Federation (SEAFF) Junior and Cadet Championships sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Nakopo ni Morales ang gintong medalya sa Under-14 Junior Women’s Foil matapos gapiin ang kapwa Pinay na si Yuri Simmone Canlas sa all-Filipino final.

“I’m very happy that I was able to contribute to the team’s campaign. Playing against Yuri Canlas was tough, and I felt nervous at first. But I quickly motivated myself to stay focused, play hard, and give my best. In the end, it paid off,” ani Morales.

Nagdagdag pa siya ng silver medal sa team competition matapos makasama sina Willa Galvez at Victoria Malvar sa Cadet Women’s Team Foil.

Nagtapos ang Pilipinas sa ikatlong puwesto sa overall standings matapos mag-uwi ng limang gold, pitong silver at 13 bronze medals para sa kabuuang 25 medalya.

Nanguna ang Singapore na may anim na gold, tatlong silver at apat na bronze medals, habang pumangalawa ang Thailand na may limang gold, limang silvers at apat na bronze medals.

Gayunman, para kay Morales, simula pa lamang ang kanyang mga nakuhang medalya sa mas malaking layunin na nais niyang makamit sa kanyang karera.

Hangad ng batang Fil-Am fencer na magkaroon ng mas maraming international exposure at pagkakataong makapagsanay sa ibang bansa kasama ang kanyang mga kasamahan sa national team.

Itinuturing ni Morales na malalapit niyang kaibigan ang kanyang mga teammate at nais niyang sama-sama silang umunlad upang makasabay sa pinakamahuhusay na fencer sa rehiyon.

“My teammates are also my best friends, and I want us to train together and improve together so we can compete against the best fencers in the region and, someday, the world,” sabi ni Morales.

May ilang torneo pa siyang nakatakdang salihan sa mga susunod na buwan bilang bahagi ng kanyang patuloy na pag-unlad.

Kabilang dito ang third leg ng Philippine Fencing Association Junior and Cadet International Championships sa Agosto 29-30, at second leg ng PFA Minime, Veterans and Recreational tournament sa Setyembre 5-6.

Sasabak din siya sa fourth leg ng PFA Open sa Oktubre 17-18, Philippine Open International sa Nobyembre 29-30 at third leg ng PFA Minime and Veterans International sa Disyembre 19-20.

Gaganapin ang mga torneo sa Rizal Memorial Sports Complex at Ninoy Aquino Stadium sa Maynila.

Para kay Morales, bawat kompetisyon ay pagkakataon upang madagdagan ang kanyang karanasan, hasain ang kanyang kakayahan at masukat ang sarili laban sa mas matitinding kalaban habang unti-unti niyang tinatahak ang landas patungo sa pinakamalaking entablado ng fencing.