Overtime

SAN BEDA NAKAISA NA SA V-LEAGUE

7 September 2026

NAKOPO ng San Beda University ang  kanilang unang panalo sa 2026 V-League Collegiate Challenge matapos pataubin ang Colegio de San Juan de Letran, 18-25, 25-18, 25-23, 16-25, 18-16, kahapon sa Gameville Central Park sa Mandaluyong City.

Matapos maitabla ng Letran ang laban sa fourth set, kumapit ang Lady Red Spikers sa deciding frame upang tuluyang makuha ang panalo.

Nanguna si Angel Habacon sa mga krusyal na bahagi ng fifth set nang itulak ang San Beda sa 11-10, bago gumanti si Judiel Nitura para sa Lady Knights sa dikitang pagtatapos.

Nagpalitan ng puntos ang dalawang koponan hanggang sa magsanib-puwersa sina Daisy Cagas at Kim Culanay para sa 3-0 finishing run na nagselyo sa panalo ng Lady Red Spikers.

“Ang kailangan kasi ng mga bata is self-confidence, which is yung na-develop ngayong game na ‘to. Kasi ginagawa naman namin sa training lahat; ang dapat lang ma-translate sa laro,” ani San Beda assistant coach Benjamin Mape.

Pinangunahan ni Cagas ang San Beda na may 17 puntos mula sa 15 attacks, isang block at isang ace. Nagdagdag din siya ng pitong digs at 12 excellent receptions.

May 11 puntos si Habacon, kabilang ang tatlong magkakasunod na kills na nakatulong sa pagkuha ng momentum ng San Beda sa deciding set, habang nag-ambag si Janelle Bachar ng 13 puntos.

Umakyat sa 1-2 ang Lady Red Spikers at susubukang sundan ang panalo. Nanatiling walang panalo matapos ang apat na laro ang Letran sa kabila ng tig-15 puntos nina Nitura, Reeza Abayon at Rheina Merwa.