Overtime

SAN BEDA DETERMINADONG MAIDEPENSA ANG KORONA SA NCAA SEASON 102

2 September 2026

HINDI man kumpleto ang kanilang roster, nananatiling determinado ang San Beda University Red Lions na maidepensa ang korona nito sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament.

Dumaan sa mahirap na offseason ang Red Lions matapos mawala ang kanilang mga pangunahing manlalaro mula sa nakaraang championship campaign.

Isa sa pinakamalaking dagok sa koponan ang ACL injury na tinamo ni starting point guard Nygel Gonzales bago pa man tuluyang makapagsimula ang kanilang paghahanda para sa bagong season.

Gayunman, naniniwala si head coach Yuri Escueta na nakapag-adjust nang maayos ang kanyang koponan matapos magkaroon ng sapat na oras upang makapaghanda kahit wala si Gonzales.

“As a coach, satisfied ako sa preparations namin and the tournaments we’ve joined sa Filoil, Asiabasket. Those are tournaments where we prepared ourselves,” ani Escueta.

“Our offseason was challenging. Our starting point guard, Nygel Gonzales, got injured even before our title defense started. The good thing was we were able to address it early because we still had time to play in the offseason without him,” dagdag niya.

Bukod kay Gonzales, nawala rin sa San Beda si Janti Miller na lumipat sa De La Salle University. Samantala, sina Bryan Sajonia, Joe Celzo at Yukien Andrada ay umakyat na sa PBA.

Dahil dito, papasok ang Red Lions sa Season 102 na wala ang buong starting five na naghatid sa kanila sa kampeonato noong nakaraang season.

Hindi lamang roster ang kailangang harapin ng San Beda dahil inaasahang mas magiging mahigpit din ang kompetisyon ngayong taon.

Nagpalakas ang Lyceum at Mapua sa pagkuha kina dating PBA coaches Jamike Jarin at Chito Victolero, ayon sa pagkakasunod.

Samantala, umaasa rin ang Letran na makikinabang sa pagbabalik ni Titing Manalili, na kinilala bilang Rookie at Freshman of the Year noong nakaraang season.

Isa rin sa mga koponang dapat bantayan ang Jose Rizal University, na muntik nang makapasok sa Final Four noong Season 101 matapos magtala ng 6-7 kartada. Pangungunahan ang koponan ni coach Nani Epondulan.

Sa kabila ng mga pagbabago at pag-igting ng kompetisyon, nananatiling positibo si Escueta sa tsansa ng San Beda na muling makapagkampeon.

“Everyone’s very positive. Ako, bilang coach, confident ako sa team ko pero alam naming magiging challenge ito dahil lahat ng teams ay lumakas,” ani Escueta.

Target ng Red Lions na mapanatili ang kanilang korona at makumpleto ang back-to-back championships sa NCAA.