Overtime

REGION IX LIFTER BUMUHAT NG GINTO SA PALARO

28 May 2026

GUMAWA  ng kasaysayan si Adrian Bucol ng Region IX matapos masungkit ang kauna-unahang gintong medalya sa weightlifting sa 2026 Palarong Pambansa kahapon sa Prosperidad, Agusan del Sur.

Namayagpag ang 15-anyos na lifter sa secondary boys’ 48-kilogram division matapos makapagtala ng kabuuang 183 kilograms na buhat sa unang pagsalang  ng weightlifting bilang opisyal na event sa pinakamalaking youth sporting competition sa bansa.

Bagama’t siya ang pinakamaliit na atleta sa walong kalahok, nanaig si Bucol matapos magtala ng 83kg sa snatch at tuluyang selyuhan ang gintong medalya sa pamamagitan ng malakas na 100kg effort sa clean and jerk.

Ang Grade 9 student ng Talon-Talon National High School ay tubong Barangay Mampang, Zamboanga City — na siya ring hometown ni Olympic gold medalist Hidilyn Diaz, na nagsisilbi namang tournament director ng weightlifting competition.

Matapos matagumpay na mabuhat ang 80kg at 83kg sa unang dalawang snatch attempts, nabigo si Bucol sa kanyang huling pagtatangka sa 85kg. Gayunman, bumawi siya sa clean and jerk matapos makumpleto ang lahat ng tatlong lifts, kabilang ang title-clinching 100kg attempt.

Naiuwi naman ni John Cadag ng Region IV-A ang silver medal matapos makapagtala ng kabuuang 176kg, habang bronze medal naman ang napunta kay Gerry Mapano ng Region VII sa total lift na 145kg.

Samantala, limang gintong medalya ang iniuwi ni Aziz Jayden Diaz ng Cebu Elite Gymnastics Club para sa Central Visayas matapos pagharian ang Floor Exercise, Mushroom, High Bar, Vault, at Individual All-Around (IAA).

Dahil dito, si Diaz na ngayon ang may pinakamaraming gintong medalya na atletang mula sa Central Visayas matapos maghari sa limang events ng elementary boys artistic gymnastics.

Nagningning din ang swimming competitions sa Aquatic Center ng Datu Lipus Makapandong Gov. D.O. Sports Complex matapos masaksihan ang panibagong record-breaking performances.

Binura ni Charles Boneo ng CALABARZON ang dating rekord sa elementary boys’ 400-meter freestyle matapos magtala ng 4:30.63, mas mabilis sa dating marka na 4:31.39 na naitala ni Titus Sia noong nakaraang taon.

Nagkasya naman sa silver medal si Peter Greyson Limbing ng host region CARAGA matapos magtala ng 4:34.46, habang bronze medal ang napunta sa kapwa CALABARZON swimmer na si Jacob Blanco sa oras na 4:35.78.

Muling umukit ng bagong rekord si Riannah Coleman matapos pagharian ang secondary girls’ 100-meter breaststroke sa oras na 1:12.99, na mas mabilis sa sarili niyang dating marka na 1:15.46 noong nakaraang taon.

Nagdiwang din ang host region CARAGA matapos makasungkit ng isa pang gintong medalya sa pamamagitan ni Brave Erno, na naghari sa secondary girls’ 400-meter freestyle sa oras na 4:38.38 sa kanyang high school division debut.