PH SPORTS UNIVERSITY ISINUSULONG NG PSC
ITINUTULAK ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Patrick C. Gregorio ang pagtatatag ng kauna-unahang Sports University sa ilalim ng University of the Philippines System upang higit na mapaunlad ang sports sa bansa at maging mahalagang bahagi ng edukasyon, ekonomiya at pambansang kaunlaran.
Inilahad ni Gregorio ang kanyang panukala sa harap ng mga nagsipagtapos ng UP College of Human Kinetics sa Varsity Training Center, kung saan hinimok niya ang UP na manguna sa paghubog ng susunod na henerasyon ng mga atleta at mga propesyunal sa larangan ng sports.
“My dream for Philippine sports is to build a proud nation. To this end, my dream for UP is to build a Sports University. A university that produces not only champions, but the coaches, scientists, educators, entrepreneurs, administrators, and innovators who make those champions possible,” ani Gregorio.
Ayon kay Gregorio, matagal na itinuring na libangan lamang ang sports sa Pilipinas. Gayunman, nagbago ang pananaw ng marami matapos ang mga tagumpay nina Olympic gold medalist Hidilyn Diaz at two-time Olympic champion Carlos Yulo, na nagpatunay na ang sports ay may malaking ambag sa edukasyon, turismo, ekonomiya at pagpapalakas ng pambansang dangal.
Aniya, layunin ng Sports University na makalikha hindi lamang ng mahuhusay na atleta kundi maging ng mga coach, sports scientist, guro, administrador at iba pang eksperto na susuporta sa pag-unlad ng Philippine sports.
Hangad din nitong higit na mapataas ang antas ng sports education sa bansa sa pamamagitan ng makabagong pagsasanay, siyensya at mahusay na pamamahala.
Binanggit din ni Gregorio ang ilang matagumpay na sports universities sa iba’t ibang bansa bilang mga huwaran, kabilang ang German Sport University Cologne sa Germany, Beijing Sport University sa China, Lesgaft National State University of Physical Education, Sport and Health sa Russia, at Nippon Sport Science University sa Japan.
Sa Southeast Asia, mayroon na ring Thailand National Sports University (TNSU) at Vietnam National University of Physical Education and Sports (VNUPES), na nagsisilbing pangunahing institusyon sa pagpapaunlad ng sports education, athlete development at sports science research sa kani-kanilang bansa.
Sa Pilipinas, sinabi ni Gregorio na matibay na pundasyon ang naitayo ng UP College of Human Kinetics sa loob ng 27 taon, na maaaring maging batayan sa pagtatayo ng Sports University.
Ayon sa PSC chairman, malaki ang maitutulong ng naturang unibersidad sa pagpapaunlad ng mga atleta, pagsasanay ng mga coach, pagpapalago ng industriya ng sports at pagpapatibay ng pambansang identidad.
“Gawin mong masaya ang atleta, magtatagumpay ang mga Pilipino,” ani Gregorio.
Idinagdag pa niya na maaaring gumanap ng mahalagang papel ang PSC sa pagpopondo sa planong Sports University dahil nagsisilbi rin siyang vice chair ng National Academy of Sports, na aniya’y makatutulong upang maisakatuparan ang proyekto.
Sa kanyang mensahe sa mga nagtapos ng Class of 2026, hinikayat ni Gregorio ang mga ito na gamitin ang kanilang kaalaman sa labas ng Metro Manila at tumulong sa pagpapaunlad ng sports sa mga komunidad na kulang sa oportunidad.
“Your diploma is not the finish line. It is your starting block. Go where you are needed. Build athletes. Build communities. Build industries. Para sa kabataan at para sa bayan,” aniya.
Kapag naitatag, inaasahang magiging mahalagang hakbang ang Sports University sa higit pang pagpapalakas ng sports sa bansa at sa pagpapataas ng antas ng Pilipinas sa pandaigdigang kompetisyon.