Overtime

PH JUNIOR FENCERS TUTOK SA WORLD, ASIAN CHAMPIONSHIPS

27 August 2026

NAKATUON ang Philippine junior fencing team sa mga pangunahing international competition sa susunod na taon matapos mag-uwi ng walong medalya sa 2026 Southeast Asian Fencing Federation (SEAFF) Championship sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Target ng mga batang fencer ang puwesto sa World at Asian Junior and Cadet Championships, kung saan malaking bahagi ng kanilang ranking points ang manggagaling sa mga international at local tournament.

Nanguna sa kampanya ng Pilipinas si 16-anyos na Oscar Del Castillo matapos niyang makuha ang gold medal sa men’s under-17 cadet epee at silver sa under-21 junior division.

Nagwagi rin ng bronze ang 15-anyos na Willa Galvez sa women’s under-21 individual foil.

Nakopo naman ni Hagia del Castillo ang silver sa women’s cadet foil, habang bronze medalists sina Yuna Canlas at Victoria Ebdane sa women’s foil.

Nagkamit din ng bronze sina Papina Torre sa women’s epee, Jethro Chan sa men’s foil at Don Reyzel Geronimo sa men’s epee.

Bukod sa medalya, mahalaga rin ang ranking points na nakuha ng mga Pinoy fencer sa SEAFF dahil idaragdag ang mga ito sa kanilang kabuuang puntos mula sa iba pang international competitions, kabilang ang Asian Cadet Cup, gayundin sa Philippine Fencing Association (PFA) Junior and Cadet Ranking Series.

Idaraos ang ikatlo at huling leg ng PFA Junior and Cadet Ranking Series sa Agosto 29 at 30 sa Rizal Memorial Coliseum.

“Hindi lang ito tungkol sa medals, pero equally important din ang points na makukuha namin sa SEAFF dahil idaragdag ang mga puntos na nakuha namin sa overall ranking points,” pahayag ni Del Castillo sa Philippine Sportswriters Association Forum noong Martes sa media room ng Philippine Sports Commission.

Binigyang-diin naman ni Ebdane, Grade 11 student sa Home School Global, ang kahalagahan ng regular na pagsabak sa international competitions upang magkaroon ng karanasan laban sa mga dayuhang atleta.

“Mahalaga bilang atleta na makasali kami sa maraming international competitions hangga’t maaari, lalo na sa mga torneo na nagbibigay sa amin ng exposure,” ani Ebdane. “Ang pakikipaglaban sa mga atleta mula sa ibang bansa ang nagtutulak sa akin na maging mas mahusay bilang fencer, dito man sa Pilipinas o sa international scene.”

Inaasahan din ni Galvez ang huling leg ng domestic ranking tournament, kung saan malaking puntos ang nakataya.

“Magiging exciting ang third leg dahil final leg na ito, at napakahalaga ng points na makukuha ng bawat fencer,” ani Galvez, Grade 10 student sa University of the East.

Karaniwang nanggagaling sa top four fencers ng cadet at junior categories ang mga kinatawan ng Pilipinas sa World at Asian Championships.

Gaganapin ang Asian Cadet and Junior Championships sa Wuxi, China, sa Marso sa susunod na taon, habang nakatakda naman ang World Championships sa Abril 9 hanggang 17 sa Tallinn, Estonia.

Bukod sa ranking points at mga medalya, naging mahalaga rin ang SEAFF Championship sa pagpapatibay ng samahan ng Philippine team kahit magkakaiba ang kanilang weapons—foil, epee at saber.

“Mas napalapit kami sa isa’t isa bilang team. Sa tuwing nagsasama-sama kami, nagchi-cheer kami para sa isa’t isa at malaking bagay iyon,” ani Torre, Grade 10 student sa Waldorf School.