Overtime

OBIENA TUMALON NG GINTO SA POLAND

19 August 2026

PATULOY ang magandang kampanya ni Filipino pole vaulter Ernest John Obiena sa 2026 season matapos magwagi ng gintong medalya sa Golden Sand 2026 kahapon sa Miedzyzdroje, Poland.

Tumalon si Obiena ng 5.91 metro upang maghari sa Tadeusz Slusarski Memorial at itala ang kanyang bagong season-best performance.

Naungusan ng two-time Olympian ang mga Polish bet na sina Pawel Pospiech at Bartosz Mariniewicz, na parehong nagtala ng 5.30 metro.

Ang panalo ay isa na namang magandang resulta para kay Obiena matapos ang sunod-sunod niyang tagumpay sa mga kompetisyon sa Europe.

Bago ang kanyang kampanya sa Poland, nagkampeon din siya sa dalawang torneo sa Germany. Nalampasan niya ang 5.76 metro sa Halberstädter Höhenflug at 5.83 metro naman sa 30th International Pole Vault Meeting sa Jockgrim.

Ang 5.91-meter clearance sa Miedzyzdroje ay nagdagdag sa kumpiyansa ni Obiena habang ipinagpapatuloy niya ang kanyang paghahanda para sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan.

Umaasa ang dating standout ng University of Santo Tomas na madadala niya ang kanyang magandang porma sa Asiad habang patuloy na hinahabol ang pinakamataas na antas ng kompetisyon sa international pole vault.