OBIENA LUMUNDAG NG SILVER SA GERMANY MEET
NAGTAPOS sa ikalawang puwesto si Filipino pole vaulter Ernest John Obiena sa Domspringen Wesel Internationales Stabhochsprungmeeting sa Wesel, Germany kahapon.
Tumalon si Obiena ng 5.75 metro para masungkit ang silver medal, sa likod ni Robin Emig ng France na nakapag-clear ng 5.80 metro.
Nilagtawan ng Pinoy Olympian ang mga taas na 5.60m, 5.65m at 5.70m bago sumubok sa 5.75m. Dalawang pagtatangka ang kinailangan niya bago tuluyang malampasan ang naturang taas.
Sinubukan din ni Obiena ang 5.85m ngunit hindi niya ito nalampasan.
Pumangatlo si American Cole Walsh matapos ding tumalon ng 5.70m, habang nagtala ng parehong taas si French vaulter Ethan Cormont ngunit kinailangan ng tatlong attempts.
Ang pagsali ni Obiena sa Wesel meet ay bahagi ng sunod-sunod niyang kompetisyon nitong mga nakaraang linggo. Ito na ang kanyang ikaanim na torneo sa loob lamang ng 14 na araw.
“Rough, rough day and tiredness,” ani Obiena sa kanyang social media post. “Eventually caught up after 6 competitions this last 14 days. Took too many mistakes at the earlier bars and paid the price.”
Sa anim na torneo, dalawang beses siyang nagkampeon, kabilang ang Golden Sand sa Poland at ISTAF Berlin.
Nakakuha rin si Obiena ng tiket sa 2027 World Championships matapos lampasan ang 5.90m at magtapos na ikalima sa Zurich leg ng Diamond League noong Agosto 27.