Overtime

NO. 2 SEED SELYADO NA SA LADY BULLDOGS

23 April 2026

SINELYUHAN ng National University Lady Bulldogs ang ikalawang puwesto sa UAAP Season 88 women’s volleyball matapos ang matikas na pagbangon laban sa University of Santo Tomas Golden Tigresses, 19-25, 23-25, 25-18, 25-18, 15-13, kagabi sa Smart Araneta Coliseum.

Mula sa dalawang set na pagkakaiwan, nakabawi ang defending champions upang tapusin ang elimination round na may 10-4 kartada.

Dahil dito, dumiretso ang NU sa susunod na yugto ng stepladder semifinals at nakaiwas sa unang round, mas inilapit sila sa posibleng pagpasok sa Finals.

Pinangunahan ni Arah Panique ang opensiba ng Lady Bulldogs sa kanyang 24 puntos. Nag-ambag si Sam Cantada ng 20 puntos, 17 excellent receptions, at siyam na excellent digs, habang may 13 puntos si Evangeline Alinsug.

Sa panig ng Golden Tigresses, nagtala si Angeline Poyos ng 24 puntos, kalakip ang 15 excellent receptions at siyam na excellent digs, habang nagdagdag si Regina Jurado ng 21 puntos.

Sa pagkatalo, bumagsak ang Golden Tigresses sa 8-6, katabla ang Far Eastern University Lady Tamaraws kaya maghaharap ang dalawang koponan sa Sabado para sa huling puwesto sa Final Four.

Naipuwersa ng FEU ang playoff matapos ding magtala ng reverse sweep laban sa Ateneo de Manila University Blue Eagles, 22-25, 23-25, 25-12, 25-21, 15-10, sa unang laro.

Nauna nang dumiretso ang De La Salle University Lady Spikers sa Finals matapos walisin ang eliminations sa 14-0 rekord, habang pumangatlo ang Adamson University Lady Falcons at naghihintay ng makakalaban sa stepladder semifinals.