NITURA BINITBIT ANG LADY KNIGHTS SA 11-0 KARTADA SA NCAA VOLLEYBALL
NANATILI ang imakuladong marka ng Colegio de San Juan de Letran Lady Knights matapos walisin ang Lyceum of the Philippines University Lady Pirates, 25-19, 25-19, 25-23, sa NCAA Season 101 women’s volleyball tournament kahapon sa EAC Gym sa Maynila.
Pinangunahan ng senior opposite spiker na si Judiel Nitura ang panalo ng Lady Knights matapos maghatid ng solidong all-around performance upang iangat ang rekord ng koponan sa 11-0 sa Group A.
Dalawang panalo na lamang ang kailangan ng Letran upang makumpleto ang sweep sa preliminary round at tiyakin ang nangungunang puwesto sa kanilang pool.
Nagtala si Nitura ng 14 puntos mula sa siyam na attacks, apat na service aces, at isang block. Malaki rin ang naging papel niya sa maagang paglayo ng Letran sa ikatlong set, kung saan lamang sila sa 16-12.
Hindi naman agad sumuko ang Lyceum matapos maglunsad ng huling run sa pangunguna ng beteranang si Johna Dolorito. Naibaba ng Lady Pirates ang agwat sa 22-20 matapos ang down-the-line hit ni Dolorito.
Gayunman, naputol ang kanilang rally nang mag-error sa service ang Lady Pirates, bago tuluyang tinapos ni Nitura ang laban sa isang malakas na atake mula sa opposite side.
Dahil sa pagkatalo, bumagsak ang Lady Pirates sa 3-9 rekord sa Group A at kinakailangan nilang dumaan sa play-in stage upang manatiling buhay ang kanilang tsansa na makapasok sa quarterfinals.
Sa unang laro, natakasan ng Mapua University Lady Cardinals ang Jose Rizal University Lady Bombers sa isang five-set thriller, 25-18, 25-19, 24-26, 21-25, 16-14.
Nasayang man ng Lady Cardinals ang kanilang 2-0 set na abante, nagawa pa rin nilang makabawi sa deciding set upang iangat ang kanilang rekord sa 5-6 sa Group A at mapalakas ang tsansa na makakuha ng outright quarterfinal berth.
Pinangunahan ni Raissa Ricablanca ang Mapua matapos magtala ng 23 puntos at 15 digs, habang nagdagdag si veteran middle blocker Nicole Ong ng 19 puntos mula sa 14 attacks at limang blocks. Bumagsak ang JRU sa 2-10.