NCAA: RED LIONS SINAKMAL ANG HEAVY BOMBERS
SUMANDAL ang San Beda University Red Lions kay rookie Andrei Ugaddan upang ungusan ang Jose Rizal University Heavy Bombers, 65-62, sa NCAA Season 102 men’s basketball kahapon sa Playtime FilOil Centre sa San Juan.
Lamang ang Heavy Bombers ng lima, 62-57, matapos ang three-point play ni Chris Hubilla nang kumonekta ng back-to-back three-pointers si Ugaddan upang ibigay sa Red Lions ang 63-62 abante.
Itinaas pa ng Red Lions ang abante sa 65-62 matapos ang dalawang free throws ni Aldous Torculas. May tsansa pa ang Heavy Bombers na humirit ng overtime ngunit mintis ang tres ni Sean Salvador.
Naglista si Ugaddan ng career-high na 11 puntos, kabilang ang tatlong three-pointers, tatlong rebounds, isang assist, at isang steal para sa Red Lions.
Muling bumida sa opensa ng nagdedepensang kampeon na Red Lions si Torculas sa kinamadang 29 puntos, anim na rebounds, isang assist, at isang steal. Tinablahan nila ang Heavy Bombers sa 2-1 marka.
Nanguna si Hubilla na may 14 puntos at nagdagdag sina Jamhir Eligado ng 13, Salvador ng 11 at Laurence Mangubat ng 10 para sa Heavy Bombers.