NCAA: ARELLANO PINULBOS ANG STAGS
AGAD na nagpakitang-gilas ang Arellano University Chiefs sa NCAA Season 102 men’s basketball matapos pulbusin ang San Sebastian College-Recoletos Golden Stags, 98-72, sa Group B action kahapon sa Playtime FilOil Center sa San Juan.
Mula sa first quarter ay kontrolado na ng Chiefs ang laro, matapos magbukas sa mainit na 10-0 ratsada bago tinapos ang first quarter sa 34-22 kalamangan.
Lumobo pa ang bentahe ng Arellano sa second quarter, kung saan tuluyang nakakawala ang koponan at nagtayo ng 61-36 kalamangan pagsapit ng halftime.
Hindi na nakabangon ang Golden Stags sa second half habang ipinagpatuloy ng Chiefs ang kanilang dominasyon, na umabot sa pinakamalaking 29 puntos ang lamang, 84-55.
Pinangunahan ni T-Mc Ongotan ang opensa ng Arellano sa kanyang 23 puntos, anim na assists at tatlong steals. Nag-ambag naman sina Basty Valencia at Renzo Abiera ng tig-12 puntos.
Ayon kay coach Chico Manabat, naging susi sa tagumpay ang pisikal at mental na paghahanda ng kanyang mga manlalaro, pati na ang kanilang determinasyon na tapusin ang laban.
“We prepared physically and mentally. Siguro, ‘di nila nakikita ‘yong mga ginagawa namin pero aside from that, nagbigay ng commitment ‘yong mga bata para dito [sa season],” ani Manabat. “Naglaro sila until the end. Nakita natin ‘yong sinasabing killer instinct.”
Sinubukan ni Matt Acosta na buhayin ang San Sebastian matapos magtala ng double-double na 13 puntos at 11 rebounds, habang nagdagdag si John Ynot ng 13 puntos. ADRIAN CO
Iskor:
ARELLANO (98) — Ongotan 23, Valencia 12, Abiera 12, Libang 9, Flores 8, Cabotaje 8, Vinoyq 6, Borromeo 4, Geronimo 4, Camay 3, Langit 3, Hernal 3, Manansala 3, Buenaventura 0, Anama 0.
SAN SEBASTIAN (72) – Acosta 13, Ynot 13, Alforque 8, Ricio 8, Gabat 7, Castor 6, Cuya 4, Bacani 4, Salvo 4, Velasco 2, Cruz 2, Muktimar 1, Dimaunahan 0, Segovia 0, Chudian 0.
Quarterscores: 34-22, 61-36, 76-55, 98-72.