LADY FALCONS SA V-LEAGUE SEMIS
22 September 2026
BUHAY pa ang title-retention bid ng Adamson University Lady Falcons matapos walisin ang University of Santo Tomas Golden Tigresses, 25-23, 25-17, 25-17, at makasiguro ng puwesto sa semifinals ng 2026 V-League Collegiate Challenge Linggo ng gabi sa Gameville Central Park sa Mandaluyong City.
Sa loob lamang ng isang oras at 28 minuto, pinataob ng defending champions ang Golden Tigresses upang umangat sa 5-1 at makasalo ang Arellano University Lady Chiefs sa ibabaw ng standings.
Malaking bahagi ng panalo ng Lady Falcons ang kanilang matibay na depensa sa net, lalo na si Joy Aseo na naging susi sa pagputol sa mga atake ng UST.
Mula sa bench sa first set, naging agresibo si Aseo at nagtapos na may 19puntos mula sa 16 kills at tatlong blocks. Dalawa sa kanyang blocks ay dumating sa third set nang paulit-ulit niyang napigilan sina Em Banagua at Ashley Knop.
Dahil sa solidong depensa ng Adamson, napilitan ang UST na umatake nang alanganin, na nagresulta sa sunod-sunod na errors at nagbigay sa Lady Falcons ng double-digit na kalamangan.
“We were eager talaga, especially yung mga bata, because of that loss (to Arellano). Siyempre, kung ano yung babaunin namin sa next games. I’m very happy and grateful on how my players responded properly sa training and sa game today,” ani head coach JP Yude.
Nag-ambag si Lhouriz Tuddao ng 12 puntos habang may 10 si Frances Modri para sa Adamson. Nagpakita rin ng mahusay na playmaking si Fhei Sagaysay matapos magtala ng 14 excellent sets at dalawang puntos.
Samantala, bumagsak sa 3-3 ang UST at kailangan nitong makabawi sa huling laro kontra College of St. Benilde Lady Blazers para manatiling buhay ang semifinal bid.
Nanguna para sa UST si Angeline Poyos na may 13 puntos, habang nalimitahan sa walong puntos si Regina Jurado.