Overtime

LADY FALCONS DINAGIT ANG LADY WARRIORS SA V-LEAGUE COLLEGIATE CHALLENGE

24 August 2026

NANATILING walang talo ang Adamson University Lady Falcons sa 2026 V-League Collegiate Challenge matapos walisin ang University of the East Lady Warriors, 25-18, 25-23, 25-16, kahapon sa Gameville Central Park.

Naging pangunahing sandigan ng Adamson si Joy Aseo, na nagtapos na may 17 puntos mula sa 13 attacks, dalawang aces at dalawang blocks. Nagdagdag din siya ng apat na digs at dalawang receptions para makuha ang Player of the Game award.

Agad na nakontrol ng Lady Falcons ang takbo ng laro at hindi hinayaang makabawi ang UE. Matapos kunin ang unang set, kinailangan ng Adamson na pagbutihin ang laro sa second frame nang subukan ng Lady Warriors na makadikit.

Napanatili naman ng Lady Falcons ang kanilang composure sa mga krusyal na sandali bago tuluyang isara ang laban sa dominanteng third set.

Hindi naging sapat ang pagtatangka ng UE na makabawi sa ikalawang set dahil hindi nito napanghawakan ang momentum sa mga crucial points.

Umangat ang Adamson sa 2-0 kartada at nanatiling perpekto sa unang dalawang laro nito sa torneo. Bumagsak naman ang Lady Warriors sa 1-1 record.

Samantala, sumampa na ang University of Perpetual Help Lady Altas sa win column matapos daigin ang San Beda University Lady Red Spikers, 25-22, 28-26, 21-25, 25-21.

Nanguna si Jem Menor para sa Perpetual sa kanyang 16 points, lahat ay nanggaling sa attacks, habang nag-ambag si Cyrille Almeñiana ng 17 puntos at anim na digs. Angat sila sa 1-1 karta, habang lagapak ang San Beda sa 0-2.