LADY CHIEFS LUMAPIT SA V-LEAGUE SEMIS
LUMAPIT ang Arellano University Lady Chiefs sa semifinals ng 2026 V-League Collegiate Challenge matapos walisin ang University of Perpetual Help Lady Altas, 25-19, 25-16, 25-18, kahapon sa Gameville Central Park sa Mandaluyong City.
Nanatiling walang talo ang Lady Chiefs matapos maitala ang kanilang ikaapat na panalo sa sindami ng laban sa loob lamang ng 70 minuto.
Bunga ng kanilang balanseng opensa, kinontrol ng Arellano ang attacking department, 42-26, upang manatiling nasa magandang posisyon para sa playoff race.
Pinangunahan ni Heart Villaflores ang opensiba ng Lady Chiefs matapos magtala ng 16 puntos mula sa kills, habang nagdagdag si Cris Servidad ng 11 puntos.
Naging malaking kontribusyon din si Kacelyn Punzalan na nagtapos na may 14 puntos, kabilang ang anim na attacks, limang blocks at tatlong service aces.
Sinabi ni veteran coach Obet Javier na malaking bahagi ng kanilang magandang kampanya ang paraan ng kanilang paghahanda sa bawat laban.
“Yung preparation rin kasi namin. Tini-treat namin yung every game na last game na namin o parang championship na,” ani Javier.
Nagpasalamat din ang multi-titled coach sa pagkakataong ibinigay ng liga at sa patuloy na suporta ng kanilang administrasyon.
“Thankful rin kami sa liga na to kasi nakikita namin yung pinaghihirapan ng players. And at the same time, nababalok namin ‘yung support na binibigay ng admin sa ‘min,” dagdag niya.
Samantala, nalaglag sa 1-2 ang Lady Altas na walang players na nagtala ng double figures. Nanguna sina Cyrille Almeñiana at Jem Menor na kapwa may anim na puntos.