LADY BULLPUPS MAINIT ANG SIMULA SA SHAKEY’S GVIL
MAGAAN na dinispatsa ng powerhouse National University-Nazareth School (NUNS) ang King’s Montessori High School, 25-16, 25-14, upang mainit na simulan ang kanilang title-retention bid sa Shakey’s Girls Volleyball Invitational League (SGVIL) Rising Stars Cup Division 1 kahapon sa La Salle Green Hills Gym.
Pinangunahan ni Alas Pilipinas Girls standout Xyz Rayco ang Lady Bullpups sa kanyang 10 puntos mula sa anim na aces at apat na attacks. Nag-ambag si Jaila Adrao ng siyam na puntos, gumawa ng walong puntos si Jhaynna Bulandres, at umiskor ng pito si Raine Alonzo para sa reigning UAAP champion na kinailangan lamang ng 46 minuto upang selyuhan ang panalo.
Nanguna naman sa King’s Montessori sina Kriska Gendap at Sharina Lleses na may tanim at limang puntos, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, bumawi ang University of Santo Tomas mula sa pagkatalo sa first set upang talunin ang De La Salle-Zobel, 24-26, 25-20, 15-9, sa Pool D.
Pinangunahan nina Nicole Pelaez at Ryzel Laag ang Junior Tigresses sa isang matinding 11-3 ratsada sa deciding set upang maagaw ang panalo sa loob ng 73 minuto. Nagtala si Pelaez ng 10 puntos, kabilang ang panapos na atake, habang si Laag ay may walong puntos—apat dito sa ikatlong set. Nagdagdag si Eliz Mechavez ng walong puntos para sa UST.
Naiwan ang Junior Tigresses sa 4-6 bago sumiklab sa 10-1 run na tinampukan ng magkasunod na aces ni Laag para umabot sa match point, 14-7. Nakapagtala pa ng dalawang save ang La Salle-Zobel bago tinapos ni Pelaez ang laban.
Sa panig ng Junior Lady Spikers, nagtala si Jeleanne Laborte ng 10 puntos, habang may tig-walong puntos sina Alyanna Valdez at Kylie Celada sa pagkatalo.
Sa iba pang laro sa Division 1, winalis ng Immaculada Conception College ang Canossa Academy, 25-12, 26-24, sa Pool B, habang dinaig ng St. John’s Institute ang De La Salle-Lipa, 26-24, 25-13, sa Pool C upang makapagsimula nang maganda sa torneo.
Sa Division 2, mabilis na pinataob ng defending champion Domuschola International School ang The Beacon Academy, 25-8, 25-8, sa Pool E upang simulan ang kanilang title-retention bid.
Nagwagi rin ang San Beda University laban sa MGC-New Life Christian Academy, 25-23, 25-19, sa Pool E; winalis ng UST-B ang La Salle Green Hills, 25-23, 25-13; at pinataob ng Poveda ang Everest International School, 25-21, 25-16, sa Pool F.
Sa Pool G, nanaig ang Assumption Antipolo kontra Pace Academy, 25-18, 25-15, habang dinomina ng NUNS-B ang CCF-The Life Academy, 25-7, 25-9. Sa Pool H naman, winalis ng De La Salle Zobel-B ang St. Paul College-Pasig, 25-16, 25-19, at nanaig ang University of Batangas laban sa Sacred Heart School-Ateneo de Cebu, 25-12, 25-19.