LADY BULLDOGS IDEDEPENSA ANG KORONA SA SSL UNITY CUP
NAKATAYA ang apat na taong pagrereyna ng National University Lady Bulldogs sa pagbubukas ng 2026 Shakey’s Super League (SSL) Unity Cup sa Setyembre 25 sa Rizal Memorial Coliseum.
Sisikapin ng NU na mapanatili ang dominasyon nito laban sa 16 iba pang koponan na naghahangad na wakasan ang kanilang dynasty at maiuwi ang malaking papremyo sa torneo.
Kasama sa sasabak ang anim na koponan mula sa UAAP at 10 koponan mula sa NCAA sa pangunahing torneo ng SSL, na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R&B Milk Tea.
Sa unang pagkakataon, magbibigay ang SSL ng cash prizes sa mga koponan na tatapos sa podium. Tatanggap ang kampeon ng P1 milyon, habang P600,000 ang iuuwi ng runner-up at P300,000 ang mapupunta sa third placer.
May P10,000 naman para sa bawat individual awardee, habang P30,000 ang matatanggap ng tournament Most Valuable Player.
“We want this year’s Unity Cup to be bigger, thrilling, and explosive,” ani Dr. Ian Laurel, pangulo at chairman ng Athletic Events and Sports Management Inc. (ACES), ang organizer ng SSL, sa press conference nitong Miyerkoles sa Shakey’s Quezon Avenue.
Ayon naman kay SPAVI President at CEO Vic Gregorio, patuloy ang suporta ng Shakey’s sa pag-unlad ng volleyball sa bansa.
“Since 2004, Shakey’s has been there supporting the growth and development of the sport here in the country. And Shakey’s continues that commitment through the staging of the SSL,” ani Gregorio.
Hindi sasabak ngayong season ang reigning UAAP champion De La Salle University dahil sa mga injury ng ilang pangunahing manlalaro nito.
Hahatiin ang 17 koponan sa apat na pool at maglalaro sa single-round robin preliminary round.
Makakasama ng NU sa Pool A ang San Beda University, Arellano University, University of Perpetual Help at NCAA champion Letran College.
Nasa Pool B naman ang bagong kampeon ng SSL National Invitationals at runner-up noong nakaraang Unity Cup na University of Santo Tomas, kasama ang College of Saint Benilde, Jose Rizal University at Mapua University.
Bubuo sa Pool C ang Far Eastern University, Ateneo de Manila University, Emilio Aguinaldo College at San Sebastian College-Recoletos.
Sa Pool D naman ay magbabakbakan ang Adamson University, University of the Philippines, Lyceum University of the Philippines at University of the East, na muling sasali matapos lumiban noong nakaraang edisyon.
Aakyat sa susunod na round ang nangungunang dalawang koponan sa bawat pool. Hahatiin sila sa dalawang grupo para sa panibagong round-robin phase, kung saan dadalhin ang mga puntos mula sa preliminary round.
Ang dalawang nangungunang koponan sa bawat grupo ay magkakaroon ng twice-to-beat advantage sa crossover quarterfinals.
Knockout format ang gagamitin sa semifinals at battle for bronze, habang best-of-three series ang championship.
Ang Unity Cup ang magsisilbing pangwakas na torneo ng isa na namang matagumpay na season ng SSL.
Sinimulan ng liga ang taon sa record na 44 koponang lumahok sa Shakey’s Girls Volleyball Invitational League, bago sinundan ng National Invitationals na tampok ang mga foreign guest team sa collegiate at inaugural high school divisions.