LADY BLAZERS KINUMPLETO ANG PLAYOFFS CAST SA SSL
KINUMPLETO ng College of St. Benilde Lady Blazers ang mga koponang aabante sa playoffs round ng 2026 Shakey’s Super League Unity Cup matapos walisin ang Mapua University Lady Cardinals, 25-21, 25-14, 25-20, kahapom sa Rizal Memorial Coliseum.
Pinangunahan ni setter Zen Basilio ang balanseng opensa at matatag na depensa sa net ng Lady Blazers upang makuha ang huling tiket sa susunod na round ng torneo sa kanilang 2-1 karta sa Pool B.
Kabilang ang Lady Blazers sa dalawang koponan mula sa NCAA na nakapasok sa susunod na round. Makakasama nila sa Pool E ang mga koponan ng UAAP na National University, Far Eastern University at Adamson University.
“I think it’s definitely a challenge but one that we’re willing to take on. Since it’s a young lineup, we still have a lot to prove. And having this chance and opportunity to play against UAAP teams, that’s a big thing for us. Something we can build on coming into the (NCAA) season,” ani Basilio, na nagtala ng 10 excellent sets at apat na puntos mula sa kill blocks.
Nag-ambag si Camila Bartolome ng 12 puntos mula sa 10 attacks at dalawang kill blocks, habang nagdagdag sina Mary Grace Borromeo ng pito at Arianna Pua ng anim na puntos. Naging susi rin sa panalo ng Benilde ang 11 kill blocks na nagpahirap sa opensa ng Mapua.
Nagtapos ang Mapua na may 1-2 rekord, sa likod ng siyam na puntos ni Zyra Morales at pitong puntos ni Freighanne Garcia.
Sa ikalawang round, sasabak ang Benilde sa Pool E kasama ang NU, FEU at Adamson. Samantala, magkakasama sa Pool F ang UST, UP, Letran at Ateneo de Manila University.
Magsisimula sa susunod na Linggo ang carryover round-robin format ng ikalawang round, kung saan pag-aagawan ng mga koponan ang dalawang puwestong may twice-to-beat advantage sa quarterfinals sa bawat pool.
Sa iba pang resulta, nagtapos na walang talo ang UP Fighting Maroons sa Pool D matapos gapiin ang Lyceum of the Philippines University Lady Pirates, 19-25, 25-17, 25-15, 25-19. Nagrehistro si setter Kizzie Madriga ng 15 excellent sets.
Umarangkada rin ang Ateneo Blue Eagles kontra San Sebastian College-Recoletos Lady Stags, 25-16, 25-15, 20-25, 25-12, upang umangat sa 2-1 sa Pool C. Kumamada si Sophia Buena ng 17 puntos mula sa 15 attacks, isang block at isang ace.
Samantala, tinapos ng San Beda Lady Red Spikers ang kanilang kampanya sa panalo kontra Arellano University Lady Chiefs, 23-25, 25-19, 25-19, 25-23.
Nanguna si Daisy Cagas na may 12 puntos. Parehong nagtapos ang San Beda at Arellano na may 1-3 marks sa Pool A.