Overtime

IKA-4 NA BRONZE NG PH NASIKWAT NI ADRIANO

24 September 2026

NASUNGKIT ni Marie June Adriano ang ika-4 na bronze medal ng Pilipinas makaraang maitala ang 10-3 panalo kontra Ya-chi Chung ng Chinese-Taipei sa women’s kumite -50kg ng 2026 Asian Games kahapon sa Toyohashi Gymnasium sa Japan.

Ito rin ang ikalawang bronze medal ng Pilipinas sa karate.

Sinimulan ni Adriano ang kampanya sa isang dikit na 4-3 panalo kontra Srey Phea Chonn ng Cambodia sa round of 16 bago niya tinalo sa 4-0 si South Yang Yewon ng Korea para umabante sa semifinals.

Matapos makuha ang bronze, aminado si Adriano na hirap pa rin siyang paniwalaan ang kanyang nakamit sa kanyang ikatlong Asian Games appearance.

“Hindi pa rin po ako makapaniwala na naabot ko ‘yung bronze medal kasi sabi nila, enjoy lang kasi this is my first time [umabot sa ganitong stage],” ani Adriano. “Sabi ni coach kanina, feel mo lang ‘yung moment. Ibaba ‘yung negative, then feel the positive energy.”

Bigo namang makakuha ng medalya ang grupo nina Carlos Edriel Yulo, Karl Andrew Yulo, Justine Ace de Leon, Zachary Nunez, at Juancho Miguel Besana sa men’s team artistic gymnastics.

Samantala, dumiretso ang Gilas Pilipinas 3×3 team sa quarterfinals matapos ang 21-15 panalo laban sa Kazakhstan. Isinara ng koponan ang group stage na may 3-0 kartada.

Nagbida si Nicael Cabañero sa kanyang pitong puntos, nagdagdag si Andrei Dungo ng anim na puntos habang kumonekta sina Luis Pablo at Koji Buenaflor ng pinagsamang walong puntos.

Sa beach volleyball, nakamit ng pares nina Khylem Progella at Sofiah Pagara ang ikalawang sunod na panalo matapos daigin sina Tsolmon Batjargal at Khandsuren Gantogtokh ng Mongolia, 21-3, 21-3.

Bagsak naman sina James Buytrago at Ronniel Rosales sa 1-1 kartada matapos malasap ang 24-22, 21-15 pagkatalo laban kina Nguyen Lam Toi at Tran Van Viet ng Vietnam.

Sa boxing, nakausad sa round of 16 ng men’s 60kg category si Pinoy boxer Junmilardo Ogayre matapos ang 3-2 decision kontra Gangtumar Ogayre ng Mongolia.