Overtime

‘GRACEFUL EXIT’ SA GILAS WOMEN SA OLYMPIC PRE-QT

22 August 2026

TINAPOS ng Gilas Pilipinas Women ang kanilang kampanya sa 2026 FIBA Olympic Pre-Qualifying Tournament sa pamamagitan ng 79-75 panalo laban sa Senegal kahapon sa Guadalajara, Mexico.

Magandang pagtatapos ang panalo para sa Gilas Women, na nagbigay rin kay bagong head coach Burke Toews ng kanyang unang tagumpay bilang head coach ng pambansang koponan.

Abante ang Pilipinas sa third quarter matapos pangunahan nina Vanessa De Jesus at Sophia Dignadice ang opensa ng koponan. Umabot sa 11 puntos ang kalamangan ng Gilas bago muling nakahabol ang Senegal sa final canto.

Pinigilan ng Senegal ang paglayo ng Pilipinas at lumiit sa dalawang puntos ang kalamangan ng Gilas matapos ang jumper ni Ndioma Kane, may 2:36 ang nalalabi sa laro.

Agad namang sumagot ang Gilas nang magsalpak ng krusyal na three-pointer si Kacey Dela Rosa, dahilan upang muling lumobo sa limang puntos ang kalamangan ng Pilipinas.

Napangalagaan ng mga Pinay ang kanilang kalamangan sa mga huling minuto bago tuluyang isara ni Jack Animam ang laban matapos ma-split ang kanyang free throws, may 13segundo na lang sa orasan.

Nanguna sa balanseng opensa ng Pilipinas sina De Jesus, Dignadice at Dela Rosa na nagtala ng tig-16 puntos. Nagdagdag si Animam ng 14 puntos, habang may siyam naman si Jhazmin Joson.

Gayunman, hindi sapat ang panalo para makapasok ang Gilas sa knockout stage.

Nagtapos ang Pilipinas sa ikatlong puwesto sa Group B matapos ang mga naunang pagkatalo laban sa host Mexico at world No. 7 Canada. Tanging dalawang nangungunang koponan sa bawat grupo ang umabante sa susunod na round.

Matapos ang kanilang Olympic Pre-QT campaign, ibabaling ng Gilas Women ang atensiyon sa 2026 Asian Games sa Japan sa susunod na buwan.