GILAS BOYS YUKO SA CHINA, LAGLAG SA CLASSIFICATION ROUND SA FIBA U18 ASIA CUP
NABIGO ang Gilas Pilipinas U18 na makapasok sa semifinals ng 2026 FIBA U18 Asia Cup matapos pataubin ng China, 117-103, sa kanilang quarterfinal match kahapon sa Ahmedabad, India.
Hindi nakasabay ang Gilas sa mabilis na pag-atake ng China na agad naglatag ng malaking kalamangan at hindi na lumingon pa.
Nanguna sa opensa ng Gilas si Kenji Moral na may 26 puntos, habang nagtala ng 14 si Luke Atacador, at umiskor sina Ethan Agugas at Jan Cagurungan ng tig-12 puntos.
Naging malaking problema para sa Pilipinas ang mainit na shooting ng China mula sa three-point area, kung saan 17 tres ang naipasok ng Chinese squad.
Kahit nakakuha ang Gilas ng 26 puntos mula sa 16 turnovers ng China at nagkaroon ng 34-26 bentahe sa fast-break points, hindi nito napigil ang kalaban na kontrolin ang laro.
Umabot sa 24 puntos ang pinakamalaking kalamangan ng China bago sinelyuhan ang panalo.’
Pinangunahan ni Zichao Wang ang China sa kanyang 25 puntos, habang may 23 si Yuxiu Chen. Nag-ambag naman sina Xuan Hao at Yizhaojie Zhang ng tig-16 puntos.
Sa pagkatalo, sasabak na lamang ang Pilipinas sa classification round para sa 5th hanggang 8th place ngayong weekend.