GILAS BOYS SWAK SA QUALIFICATION ROUND NG FIBA U18 ASIA CUP
UMAHON ang Gilas Pilipinas Youth mula sa malamyang simula tungo sa tambakang 91-62 panalo kontra Thailand sa FIBA U18 Asia Cup 2026 Lunes ng gabi sa Ahmedabad, India.
Nakaabot ang national youth basketball team sa qualification round para sa quarterfinals matapos na tuldukan ang kanilang Group A campaign sa ikalawang puwesto na may 2-1 kartada.
Nahirapan ang Gilas Youth sa unang dalawang quarters at umabot sa 12 puntos ang kalamangan ng Thailand, na pumasok sa laro na wala pang panalo.
Ngunit nagbago ang takbo ng laro sa third quarter nang tuluyang makuha ng Gilas ang momentum matapos magpakawala ng 21-0 run mula kina Elias Gish, Chog Moral at Ethan Aguas.
Nagpatuloy ang dominasyon ng Pilipinas sa fourth quarter, kung saan umiskor ito ng 12 sunod na puntos upang palobohin ang kanilang kalamangan sa 33 puntos.
Nanguna si Luke Atacador para sa Pilipinas sa kanyang 16 puntos, habang nagdagdag sina Gish at George Green ng tig-15. May 12 puntos naman si Moral.
Sa qualification round, makakaharap ng Gilas ang third-place team mula sa Group C para sa isang puwesto sa quarterfinals.