Overtime

GILAS BOYS KINAPOS VS JAPAN

23 August 2026

TIKLOP ang Gilas Pilipinas Youth kontra Japan, 80-75, sa 5th-8th classification phase ng FIBA U18 Asia Cup 2026 kahapon sa Veer Savarkar Indoor Stadium sa Ahmedabad, India.

Mabilis na nakalamang ang Japan, 25-16, matapos ang first quarter. Nakabawi naman ang Gilas sa second period at napaliit sa limang puntos ang agwat, 39-34, pagsapit ng halftime.

Nanatiling dikit ang laban sa second half, ngunit nagawang mapanatili ng Japan ang kalamangan hanggang sa psgtunog ng buzzer.

Nanguna sa Japan si Kenichiro Benedict na may 20 puntos, kabilang ang tatlong three-pointer, habang may 15 puntos si Cayman Tsuneoka at 13 naman si Kaito Nakamura.

Muling naging pangunahing sandigan ng Gilas si Kenji Yob Moral, na nagtala ng 21 puntos mula sa 10-of-17 shooting. Nagdagdag din siya ng apat na rebounds at apat na steals.

May tig-10 puntos sina Patrick Laurence Pasinos at George Aidan Green para sa Pilipinas, habang umiskor si Ethan Aguas ng walong puntos.

Sa pagkatalo, bumagsak ang Gilas sa laban para sa ikapitong puwesto ngayong araw.