GILAS BOYS ABANTE SA U18 ASIA CUP Q’FINALS
UMUSAD sa quarterfinals ng 2026 FIBA U18 Asia Cup ang Gilas Pilipinas Boys matapos pataubin ang Syria, 72-63, sa playoffs kahapon sa Veer Savarkar Indoor Stadium sa Ahmedabad, India.
Kinontrol ng Pilipinas ang laro sa mga huling minuto upang makakawala sa dikitang laban at makuha ang kanilang ikatlong sunod na panalo sa torneo.
Hawak ng Gilas ang 62-58 kalamangan sa fourth quarter nang tumira si Ethan Aguas ng krusyal na three-pointer na nagsindi sa 7-0 run ng Pilipinas.
Sinundan ito ng back-to-back layups nina Bruce Tubongbanua at Aidan Dayco-Green upang palobohin ang kalamangan sa 69-58, may 2:07 minuto pa sa orasan.
Nagdagdag sina Luke Atacador at Pat Pasinos ng mahahalagang puntos sa mga sumunod na minuto upang tuluyang mapigil ang tangkang paghabol ng Syria.
Nanguna si Dayco-Green sa Gilas sa kanyang 16 puntos, tatlong rebounds at dalawang assists, habang may 12 puntos si JB Cagurungan. Nagdagdag naman sina Tubongbanua at Aguas ng tig-10 puntos.
Pinangunahan ni Majak Awutiak Mathiang Majak ang Syria sa 20 puntos at 13 rebounds. May 15 puntos si Taym Aldassouki at 14 si Yehia Kassas.
Makakaharap ng Gilas Boys sa quarterfinals ang China, ang top seed mula Group C, ngayong araw.