GILAS BOYS 8TH PLACE SA FIBA U18 ASIA CUP
NAGTAPOS ang Gilas Pilipinas Youth sa ika-8 puwesto sa FIBA U18 Asia Cup 2026 matapos matalo sa Chinese Taipei, 89-78, kahapon sa Veer Savarkar Indoor Stadium sa Ahmedabad, India.
Matikas ang simula ng Pilipinas matapos makuha ang 38-26 bentahe, ngunit bumawi ang Chinese Taipei sa pamamagitan ng 23-6 run sa dulo ng first half upang kunin ang 49-41 kalamangan pagsapit ng halftime.
Nagpatuloy ang momentum ng Chinese Taipei sa second half at pinalobo nito ang kalamangan sa 72-60 pagpasok ng fourth quarter bago tuluyang isara ang laro.
Muling pinangunahan ni Kenji Yob Moral ang Gilas matapos magtala ng 22 puntos at siyam na rebounds. Nagdagdag si Ethan Aguas ng 15 puntos, habang nagtapos si Lino Jr. Tubongbanua na may 10.
Nanguna naman si Carter Coleman para sa Chinese Taipei na may 23 puntos. Nag-ambag sina Yu-Sheng Xing, Ting-Kuan Liu at Tz-Jie Weng ng pinagsamang 41 puntos upang tulungan ang kanilang koponan na makuha ang panalo.
Isinara ng Gilas ang torneo sa tatlong sunod na kabiguan matapos itong umabot sa quarterfinal stage ng torneo.
Gayunman, mas maganda pa rin ang naging pagtatapos ng Pilipinas kumpara sa ika-11 puwesto sa 2024 FIBA U18 Asia Cup sa Jordan.