GANDLER, SANTOS SOLAR SPIKERS NA
NAGPALAKAS nang todo ang Capital1 Solar Energy Solar Spikers ngayong offseason matapos na pormal na mapapirma sina dating Cignal Super Spikers stars Vanessa “Vanie” Gandler at Erika Santos.
Naging opisyal ang pagkuha ng Solar Spikers kina Gandler, Santos, at veteran setter Jaja Maraguinot kahapon bilang bahagi ng kanilang pagpapalakas para sa susunod na season.
Naging available sina Gandler at Santos matapos magdesisyon ang Cignal na pansamantalang lumiban sa liga kahit pa nakapasok ito sa Finals ng katatapos lamang na All-Filipino Conference.
Malaking dagdag-lakas agad ang pagdating ng dalawa sa lineup ng Capital1 na pinangungunahan ni rising star Mhicaela Belen. May chemistry na rin sina Gandler at Belen matapos silang magsama sa Alas Pilipinas sa ilalim ni head coach Jorge Souza de Brito.
Galing si Gandler sa pinakamahusay nitong kampanya matapos tanghaling Most Valuable Player ng All-Filipino Conference habang pinangunahan ang Cignal sa pag-abante sa championship round. Nagtala siya ng 209 puntos mula sa 182 attacks, 17 blocks, at 10 service aces upang maging ikaapat na top scorer ng liga.
Nagpakitang-gilas din si Santos bilang isa sa pinakamapanganib na scorers sa PVL at nasungkit ang MVP award sa PVL On Tour matapos ang paglipat nito mula PLDT patungong Cignal. Tinapos niya ang All-Filipino Conference na may 177 puntos mula sa 160 attacks, 12 blocks, at limang aces.
Isa sa mga naging problema ng Capital1 noong nakaraang conference ang kakulangan sa opensa matapos pumuwesto lamang sa ikapito sa spiking efficiency na may 28.30 porsiyento.
Inaasahang magbibigay ng malaking tulong sina Gandler at Santos upang madagdagan ang scoring options ng koponan bukod kay Belen.
Samantala, magdadagdag naman si Maraguinot ng lalim sa setter position kasama nina Jasmine Nabor, Iris Tolenada, at Nikka Yandoc. Huli siyang naglaro para sa Nxled Chameleons sa Reinforced Conference.
Nakatakdang simulan ng bagong anyong Capital1 ang paghahanda nito para sa PVL On Tour na magsisimula sa Hunyo.