FEU IAANGAT ANG DIWA NG PAGKAKAISA SA UAAP SEASON 89
ITATAMPOK ng Far Eastern University (FEU), host school ng UAAP Season 89, ang pagkakaisa at pagiging bukas para sa lahat bilang sentro ng bagong season sa ilalim ng temang “For Everyone, UAAP.”
Hindi lamang mga manlalaro ang binibigyang-pugay ng tema, kundi maging ang mga coach, opisyal, student journalist, volunteer, alumni, partner, tagahanga at iba pang bahagi ng komunidad na patuloy na nagbibigay-buhay sa liga.
Hango sa “Be Brave” mantra ng FEU, layunin ng kampanya na palakasin ang sportsmanship, pagtutulungan at ugnayan ng buong UAAP community.
Pinili rin ng FEU na gamitin pa rin ang kasalukuyang UAAP logo sa halip na gumawa ng panibagong logo para sa Season 89.
Ayon kay UAAP Season 89 president Mark Molina, mahalagang mapanatili ang isang malinaw at madaling makilalang pagkakakilanlan ng liga.
“We believe there should be only one UAAP logo. Creating a different logo for every season can confuse the audience and weaken the branding of the UAAP logo,” ani Molina sa isang pre-season presser kahapon sa Novotel.
Ang kasalukuyang UAAP logo ay nilikha noong 2021 ni Darryl John Digal, na noon ay estudyante ng Bachelor of Fine Arts Visual Communication program ng FEU.
Sa halip na bagong logo, gagamit ang Season 89 ng mga elementong inspirasyon ng beadwork bilang pagkilala sa tradisyon ng mga Mangyan.
“Since the UAAP logo itself was created by an FEU student, we also saw this season as an opportunity to highlight the story behind the mark rather than create another one,” dagdag ni Molina.
Kasabay nito, mas palalawakin din ng UAAP ang access ng mga tagahanga sa men’s basketball tournament dahil lahat ng laro ay mapapanood nang live at libre sa YouTube.
Ipagpapatuloy ng Cignal ang paghahatid ng mga laro sa iba’t ibang platform nito, kabilang ang UAAP Varsity Channel 263 sa HD, One Sports sa free-to-air television at CignalPlay app.
Sa ikaanim na sunod na season, mananatiling available ang UAAP games sa mga platform ng Cignal. Mapapanood din nang live sa buong mundo ang men’s basketball games sa ONE Sports YouTube channel.
Sinabi ni Molina na layunin ng mas malawak na coverage na mas mapadali para sa mga tagahanga ang pagsubaybay sa UAAP.
“We want UAAP basketball to be as accessible as possible to our fans. By making all men’s basketball games available on our different platforms, we are continuing the availability of all of Cignal’s platforms to all viewers, regardless of generation so that they can experience and support our student-athletes,” pahayag niya.
Ayon naman kay Cignal first vice president at head of sports Sienna Olaso, makatutulong ang partnership upang mas maabot ang mga tagahanga sa mga platform na regular nilang ginagamit sa pagsubaybay ng sports.
“We are excited to bring UAAP basketball to more Filipinos through the platforms where they are already watching and engaging. We are always looking for ways to reach an even broader audience while continuing to deliver the quality coverage that UAAP fans have come to expect,” ani Olaso.
Gaganapin ang opening ceremony ng UAAP Season 89 sa Sabado sa SM Mall of Asia Arena, kung saan tampok sina Vice Ganda at Gloc-9.
Magsisimula naman ang men’s basketball tournament kinabukasan sa SMART Araneta Coliseum.
Haharap ang host FEU sa Adamson University sa alas-12 ng tanghali, bago ang sagupaan ng defending champion De La Salle University at National University sa alas-2:30 ng hapon.
Magtatapat naman ang University of the Philippines at University of Santo Tomas sa alas-6 ng gabi. Hiwalay ang ticket para sa naturang mga laro.
Samantala, sa Setyembre 26 pa magsisimula ang women’s basketball tournament dahil bibigyang-daan ng UAAP ang mga international commitment ng Gilas Pilipinas Women sa 20th Asian Games at FIBA 3×3 Under-23 World Cup.
Sinabi ni UAAP executive director Atty. Rene Saguisag Jr. na suportado ng liga ang mga manlalarong kumakatawan sa bansa at handang mag-adjust ng iskedyul para sa kanilang mga tungkulin sa national team.
“The UAAP has always believed that our responsibility goes beyond the league. When our athletes wear the Philippine jersey, they represent all of us. We want to give Gilas Women our full support and make sure they have the opportunity to prepare and compete at the highest level,” ani Saguisag.