Overtime

EALA, YULO, OBIENA PANGUNGUNAHAN ANG PH DELEGATION SA ASIAN GAMES

9 September 2026

PANGUNGUNAHAN nina tennis star Alexandra Eala at two-time Olympic gold medalist Carlos Edriel Yulo ang 464-kataong delegasyon ng Pilipinas sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan.

Isinumite ng Philippine Olympic Committee (POC) ang kumpletong listahan ng mga atletang kakatawan sa bansa sa 39 sports sa quadrennial continental meet.

Magbabalik si Eala sa Asian Games matapos siyang magwagi ng dalawang bronze medals sa women’s singles at mixed doubles sa Hangzhou noong 2023. Kasalukuyang No. 18 sa mundo ang Filipina tennis sensation ok at pangalawa sa pinakamataas na ranggo sa mga Asian player.

Matapos ang kanyang kampanya sa US Open, inaasahang hindi sasabak si Eala sa China Open, isang WTA 1000 tournament, upang makapaglaro para sa Pilipinas sa Asian Games.

Samantala, muling hahabulin ni Yulo ang kanyang unang Asian Games gold medal matapos maging dalawang beses na Olympic champion sa artistic gymnastics.

Kamakailan lamang ay nagkampeon si Yulo sa floor exercise sa Asian Championships sa Zunyi, China kaya isa siya sa pangunahing inaasahang mag-uuwi ng gintong medalya para sa Pilipinas.

Kasama rin sa delegasyon ang mga dating Asian Games champion  na susubukang ipagtanggol o mabawi ang kanilang mga titulo, kabilang sina pole vaulter EJ Obiena, jiu-jitsu fighter Annie Ramirez at BMX rider Daniel Caluag.

Target ni Obiena ang ikalawang sunod na Asian Games gold medal sa pole vault. Ang Asian record holder ay nagtapos sa ikaapat na puwesto sa 2024 Paris Olympics at muling nagbalik sa kompetisyon matapos ang mga injury.

Idedepensa naman ni Ramirez ang kanyang titulo sa women’s ne-waza 57-kilogram division. Siya rin ang kasalukuyang world champion sa kanyang weight class.

Kasama rin ang Gilas Pilipinas men’s basketball team, na nagbigay sa bansa ng unang Asian Games gold medal sa men’s basketball sa loob ng 51 taon nang magkampeon sa Hangzhou.

Gayunman, ibang koponan ang kakatawan sa Pilipinas sa pagkakataong ito, habang nananatiling hindi tiyak ang paglahok ni Justin Brownlee, na bahagi ng gintong koponan noong 2023.

Sa boxing, mangunguna sa delegasyon sina Olympic medalists Nesthy Petecio, Carlo Paalam at Aira Villegas.

May silver medal si Petecio mula sa Tokyo Olympics at bronze sa Paris, habang silver medalist si Paalam sa Tokyo at bronze medalist naman si Villegas sa Paris. Hindi kasama si Eumir Marcial sa lineup dahil sa kanyang nalalapit na television debut.

Magbabalik din sa Asian Games si swimmer Kayla Sanchez matapos ang kanyang unang pagsabak para sa Pilipinas sa Hangzhou. Siya ang may pinakamaraming medalya sa mga atletang Pilipino sa 2025 Southeast Asian Games sa Thailand, kung saan humakot siya ng walong medalya.

Bahagi rin ng five-member weightlifting team sina world junior champion at world record holder Albert delos Santos at Tokyo Olympian Elreen Ando.

Sasalang naman sa kanyang Asian Games debut si dating world junior taekwondo champion Tachiana Mangin sa women’s 49-kilogram division.

Magpapadala rin ang Pilipinas ng mga koponan sa katauhan ng Alas Pilipinas men’s at women’s volleyball, Gilas Pilipinas women’s basketball, Filipinas women’s football, men’s U-23 football, Blu Girls women’s softball at men’s baseball.

Sa wushu, kabilang sa lineup sina Hangzhou bronze medalist Jones Inso at six-time Southeast Asian Games champion Agatha Wong, na sasabak sa taijiquan at taijijian events.

Kabilang naman sa golf team sina LPGA Tour players Bianca Pagdanganan at Pauline del Rosario, Japan Tour player Justin de los Santos, Asian Tour campaigner Miguel Tabuena at dating US Open Amateur at Girls champion Rianne Malixi.

Sa huling Asian Games sa Hangzhou noong 2023, umuwi ang Pilipinas na may apat na gold, dalawang silver at 12 bronze medals.