EALA UMAKYAT SA CAREER-HIGH NO. 18 SA WTA RANKINGS
PATULOY ang pag-angat ni Alexandra Eala matapos tumuntong sa bagong career-high No. 18 sa pinakabagong WTA singles rankings na inilabas kahapon.
Umakyat ng dalawang puwesto ang 21-anyos na Filipina tennis sensation, dagdag na tulak sa kanyang momentum bago ang pagsabak sa 2026 US Open.
Unang nakapasok si Eala sa WTA Top 20 matapos niyang masungkit ang kauna-unahang WTA 500 title sa kanyang karera sa Mubadala DC Open, kung saan pinataob niya si Jessica Pegula sa championship match.
Nagpatuloy ang magandang kampanya ni Eala sa North American hard-court swing. Umabot siya sa Round of 16 sa Canadian Open bago nakarating sa Round of 32 sa Cincinnati Open.
Dahil sa kanyang bagong ranking, nasa magandang posisyon si Eala para muling maging seeded player sa isang Grand Slam.
Sa Wimbledon ngayong taon, gumawa siya ng kasaysayan bilang kauna-unahang Pinay na nabigyan ng singles seeding sa isang Grand Slam. Bilang No. 29 seed, umabot si Eala sa fourth round ng torneo.
Ngayon ay nasa New York na si Eala para paghandaan ang huling Grand Slam ng taon. Nakapagsanay na rin siya sa Arthur Ashe Stadium habang hinihintay ang kanyang magiging draw sa singles.
Ang bagong career-high ranking ay panibagong milestone sa breakout season ni Eala, na kinapapalooban ng dalawang titulo at malalalim na pagtakbo sa ilang malalaking torneo ngayong 2026.