Overtime

EAC SINILAT ANG CSB SA NCAA

16 October 2026

UMAHON ang Emilio Aguinaldo College Generals mula sa 19 puntos na pagkakabaon upang pataubin ang College of Saint Benilde Blazers, 86-78, sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament kahapon sa Playtime FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.

Umangat ang Generals sa 3-5 kartada, habang bumagsak ang Benilde sa 6-2 at nabigong makuha ang solong liderato sa Group A.

Naging dominante ang Blazers sa unang dalawang quarter at naitayo ang pinakamalaking kalamangan sa 54-35 matapos ang tres ni SJ Moore.

Subalit unti-unting nakabawi ang EAC sa third quarter. Isinara ni Jacob Shanoda ang kanilang ratsada sa pamamagitan ng reverse layup upang ilapit ang Generals sa 61-58.

Sinikap ng Benilde na muling ilayo ang iskor, ngunit nanatiling dikit ang EAC matapos ang fastbreak layup ni EJ Castillo na nagbaba sa agwat sa 71-68.

Tuluyang nakontrol ng Generals ang laro sa fourth quarter nang isalpak ni Wilmar Oftana ang isang tres para ibigay sa EAC ang unang kalamangan mula pa sa mga unang minuto ng laban, 75-73.

Lalong pinatatag nina Joseph Nunag at Oftana ang kanilang abante sa pamamagitan ng mga krusyal na basket upang umabot sa 81-75 ang kalamangan ng EAC, mahigit apat na minuto bago matapos ang laro.

Nagbida si Joseph Nunag sa kanyang 17 puntos para sa Generals, nagdagdag si Wilmar Oftana ng 15 marka, habang may 13 at 12 puntos sina Shanoda at Castillo, ayon sa pagkakasunod.

Nanguna sina Justine Sanchez at John Morales sa kanilang tig-16 puntos para sa Blazers, habang nagdagdag ng  14 at 11 marka sina Jhomel Ancheta at Moore para sa Blazers.