DLSU WINALIS ANG ELIMS, DIRETSO SA FINALS
IPINAMALAS ng De La Salle University Lady Spikers ang kanilang lakas makaraang walisin ang elimination round ng UAAP Season 88 women’s volleyball—ang una nila sa loob ng 12 taon— kasunod ng 27-25, 15-25, 23-25, 25-23, 15-13 panalo laban sa National University Lady Bulldogs kagabi sa Mall of Asia Arena.
Pinangunahan ni Mary Shane Reterta ang opensa ng Lady Spikers sa naitalang 21 puntos, habang nag-ambag si Shevana Laput ng 16. Nagtala naman sina Angel Canino at Amie Provido ng tig-15 puntos upang kumpletuhin ng La Salle ang malinis na 14-0 marka at selyuhan ang outright na puwesto sa finals.
Ipinakita ng naturang tagumpay ang dominasyon ng Lady Spikers sa buong eliminations, kasabay ng pagdagdag ng panibagong marka sa mayamang kasaysayan ng programa sa liga.
Dahil sa kanilang sweep, awtomatikong umusad sa championship round ang koponan mula sa Taft—ang ika-14 nilang finals appearance sa huling 16 na season. Samantala, daraan sa stepladder semifinals ang iba pang koponan upang matukoy ang makakatapat ng La Salle.
Habang hinihintay ang makakalaban sa finals, nakatutok ang Lady Spikers sa hangaring masungkit ang ika-13 titulo sa UAAP, tangan ang kumpiyansa mula sa perpektong kampanya.
Samantala, lumapit ang University of Santo Tomas Golden Tigresses sa semifinals matapos pabagsakin ang University of the Philippines Fighting Maroons, 23-25, 25-21, 25-22, 25-19.
Sa kanilang 8-5 kartada, nananatiling bahagyang nangunguna ang UST sa Far Eastern University Lady Tamaraws na may 7-6 marka. Dahil dito, sigurado na ang koponan mula sa España ng kahit playoff para sa huling puwesto sa Final Four.