Overtime

DLSU PURO NA SA KORONA

7 May 2026

LUMAPIT ang De La Salle University Lady Spikers sa muling pag-angkin ng UAAP crown matapos nitong walisin ang National University Lady Bulldogs, 25-23, 25-18, 25-18, sa Game 1 ng Season 88 women’s volleyball finals kahapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Pinangunahan ni Angel Canino ang opensa ng Lady Spikers sa pagkamada ng 17 puntos mula sa 15 attacks, isang block at isang service ace. Nag-ambag din siya ng siyam na excellent digs at limang excellent receptions sa dominanteng panalo ng La Salle kahit galing ito sa 16-araw na pahinga.

Nagbigay rin ng malaking tulong si Mary Shane Reterta na nagtala ng 11 puntos, 23 excellent receptions at siyam na excellent digs. Umiskor naman sina Amie Provido at Shevana Laput ng 12 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Sa panalo, lumapit  ang Lady Spikers sa pagkopo ng kanilang ika-13 titulo sa women’s volleyball.

Magpapatuloy ang serye sa Sabado, alas-5 ng hapon, sa parehong venue.

Maagang sinubok ang La Salle sa unang set matapos maghabol sa 14-19, ngunit bumawi sa likod nina Provido, Reterta, Lilay del Castillo at Canino upang maagaw ang set, 25-23.

Dinala ng Lady Spikers ang momentum sa ikalawang set kung saan mabilis nilang kinontrol ang laro bago dinomina ang ikatlong set para kunin ang straight-sets na panalo.

Pinangunahan ni Arah Panique ang NU sa naitalang 18 puntos habang may 11 puntos si Evangeline Alinsug.