Overtime

CASTILO WAGI NG 2 TITULO SA MIA BADMINTON CHALLENGE CUP

16 September 2026

TINAPOS ni dating UAAP MVP Gelita Castilo ang kanyang kampanya sa 2026 MIA Badminton Challenge Cup sa pamamagitan ng pagwawagi ng dalawang titulo sa women’s at mixed doubles 30-and-above divisions Linggo ng gabi sa MIA Sports Center sa Pasay City.

Kasama si Patricia Barredo, nasungkit ni Castilo ang women’s doubles crown bago naging ka-team si Mike Minuluan upang makumpleto ang kanyang double championship.

Pinataob nina  Castilo at Barredo sina Lea Hermosilla at Lanie Reyes, 15-11, 15-6, sa championship match ng women’s doubles.

Nagkahiwalay man ng koponan sa mixed doubles, muling nagtagumpay si Castilo nang talunin nila ni Minuluan sina Barredo at John Paul Yabut, 15-6, 15-2, sa huling round-robin playoff match.

Nagsilbi rin itong virtual championship match ng Philippine National Ranking System Super 500 tournament.

“Actually, bonus na lang talaga yung mag-champion. Hindi ko naman iniisip mag-champion kasi ang lalakas rin ng mga kalaban namin, pero thankful kay Lord na ginabayan niya kaming lahat,” ani Castilo.

“Nag-champion,  kaya ko pa pala. Actually, wala talagang ganoong preparation, pero ito lang, passion ko kasi eh. Siguro ano, tibay na lang ng loob,” dagdag pa niya.

Si Castilo, na kasalukuyang nagtuturo ng badminton sa mga batang manlalaro ng DGS Bulacan, ay dating UAAP Season 79 MVP at nagkampeon na rin kasama ang Ateneo de Manila University at University of the Philippines.

Dalawang medalya rin ang naiuwi ni Minuluan matapos niyang makuha ang silver medal sa mixed doubles open kasama si Sarah Joy Barredo bago nagkampeon sa 30-and-above division katambal si Castilo.

Samantala, nagdagdag din ng dalawang medalya si Rabie Oba-ob matapos niyang makuha ang men’s doubles 30-and-above title kasama ang kapwa dating manlalaro ng National University na si Alem Palmares.

Tinalo nina Oba-ob at Palmares sina Mark John Sabarre at Yabut, 15-8, 11-15, 15-5, sa championship match.

Naunsiyami man ang kanyang hangaring makakuha ng dalawang titulo matapos matalo sa men’s singles open kay Shan Clar ng UP, nakabawi naman si Oba-ob sa 30-and-above division.

“Grateful ako ng sobra-sobra, kasi although wala masyadong preparation, nabigay ko yung best ko ng safe at nag-enjoy ako,” pahayag ng Philippine Air Force airman first class.

“Masaya rin kasi first time kong naglaro sa 30-up and nag-champion. Kaya grateful ako sa lahat ng nangyari the whole week,” dagdag niya.

Sa 40-and-above category, naghari si Marlon Villarin sa men’s at mixed doubles divisions.

Kasama si Ian Mendez, nilampaso ni Villarin ang lahat ng kalaban sa men’s doubles round-robin playoffs. Tampok dito ang kanilang 15-13, 12-15, 15-8 panalo kina Jose Benipayo at Melvin Llanes.

Nakamit naman ni Villarin ang mixed doubles title kasama ang kanyang asawang si Joan matapos magretiro sina Rodil Sertan at Melody Amoroso sa unang bahagi ng championship match dahil sa problema sa pagkilos ni Sertan.