Overtime

CANINO, LAPUT, IBA PANG DLSU SENIORS LALARO PA SA UAAP SEASON 89

13 May 2026

MANANATILI pa para sa kanilang huling playing year sina De La Salle University Lady Spikers stars Angel Canino, Shevana Laput, Amie Provido, at Lyka De Leon sa UAAP Season 89 sa susunod na taon.

Inanunsiyo ang kanilang pananatili sa isinagawang courtesy call ng koponan kay DLSU President Br. Bernard Oca FSC, ayon sa inilabas na social media post ng campus publication na The LaSallian kahapon.

Ginawa ang kumpirmasyon ilang araw matapos aminin ni Canino na wala pang pinal na desisyon ang mga senior player ng Lady Spikers matapos nilang masungkit ang titulo sa UAAP Season 88 women’s volleyball tournament.

Nakumpleto ng La Salle ang dominanteng 16-0 kampanya at nakopo ang ika-13 kampeonato ng paaralan sa women’s volleyball matapos walisin ang National University Lady Bulldogs sa Finals.

Malaki ang naging ambag nina Canino, Laput, Provido, at De Leon sa walang talong kampanya ng Lady Spikers, na umasa sa kanilang karanasan, lalim ng lineup, at matatag na laro sa buong torneo.

Sa pananatili ng apat na beterana, inaasahang mananatiling pangunahing paborito ang La Salle sa UAAP Season 89 habang target ng koponan ang back-to-back championships sa ilalim ni coach Ramil de Jesus.