BUENA MANONG PANALO SA BLAZERS
Mga laro ngayon: (Playtime FilOil Centre) 3 p.m. - San Sebastian vs Arellano 5 p.m. - Mapua vs JRU
RUMATSADA ang College of St. Benilde Blazers sa endgame upang itakas ang 77-68 panalo kontra San Beda University Red Lions sa NCAA Season 102 men’s basketball kahapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nagbida si Jhomel Ancheta para sa Blazers sa kanyang 19 puntos, habang nagdagdag sina Matthew Jucom at Raffy Celis ng 18 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Mula sa dikitang laban sa huling bahagi ng laro, bumitaw ng isang three-pointer si Ancheta na sinundan ng dalawang free throws ni Celis upang ilatag ang 72-66 bentahez
Sumagot ng isang tira ang Red Lions upang ibaba ang hinahabol sa 68-72, ngunit magkasunod na agaw at fastbreak baskets nina Irele Galas at Celis ang nagselyo sa panalo ng Blazers.
Nagbida si Aldous Torculas sa kanyang 19 puntos at anim na rebounds para sa nagdedepensang kampeon na Red Lions.
Samantala, masusubukan ang katatagan ng pre-season favorite na Jose Rizal University Heavy Bombers sa pagharap nito sa Mapua University Cardinals sa main game ngayong alas-5 ng hapon sa Playtime FilOil Centre sa San Juan.
Sa unang laro naman sa alas-3 ng hapon, sisikapin ng San Sebastian College-Recoletos at Arellano University Chiefs na simulan ang kanilang kampanya sa panalo.