BOCBOC BALIK-COACHNG LADY MAROONS
MULING hahawakan ni Benson Bocboc ang University of the Philippines women’s volleyball team habang naghahanda ang Fighting Maroons sa isang bagong yugto sa UAAP.
Bumalik si Bocboc bilang coach matapos niyang gabayan ang UP noong Season 87, kung saan nagtala ang koponan ng 6-8 kartada para sa ika-5 puwesto. Pinalitan siya ni Italian coach Fabio Menta sa sumunod na season.
Ngayong nagretiro na si Menta, muling ipinagkatiwala ng UP kay Bocboc ang tungkuling pangunahan ang rebuilding ng koponan.
Malaki ang pagbabagong pagdaraanan ng Fighting Maroons matapos mawala ang ilang mahahalagang manlalaro. Lumipat na sa PVL sina Irah Jaboneta at Joan Monares, habang nasa Alas Pilipinas na si Nina Ytang. Patuloy namang nagpapagaling mula sa ACL injury si Casiey Dongallo.
Naniniwala si UP Office for Athletics and Sports Development director Bo Perasol na kayang pangunahan ni Bocboc ang koponan sa panibagong yugto.
“Coach Boc proved himself to be a capable coach when he set us up for success in Season 87. Tiwala tayong magagawa niya ulit ang ganun now we’re entering a new era,” ani Perasol.
Sa kabila ng malaking pagbabago sa lineup, mananatili ang suporta ni sponsor Frank Lao at ng Strong Group Athletics sa programa ng UP para sa UAAP Season 89.
Inaasahang magiging mahalagang bahagi ng bagong koponan sina Kianne Olango, Jelai Gajero, Bienne Bansil, Jaz Manguilomotan at Julia De Leon.
Gayunman, ayaw munang magtakda ni Bocboc ng mataas na inaasahan habang sinisimulan niya ang panibagong misyon sa UP.
“No expectations, no pressure muna ulit tayo. Basta rito naman sa UP, ang panigurado, lalaban,” ani Bocboc.
Agad nang nagtrabaho ang beteranong coach para ihanda ang Fighting Maroons sa 2026 Shakey’s Super League Pre-season Unity Cup, na bahagi ng kanilang paghahanda para sa paparating na UAAP season.
Bukod sa kanyang tungkulin sa UP, mananatili rin si Bocboc bilang assistant coach ng Farm Fresh sa PVL. Naging bahagi rin siya ng coaching staff ng La Salle mula 2016 hanggang 2024 at nagsilbi rin sa F2 Logistics sa naturang panahon.