Overtime

BELEN PVL ROOKIE OF THE YEAR

25 May 2026

AGAD nagmarka si Mhicaela Belen para sa Capital1 Solar Energy Solar Spikers matapos ang matagal nitong paghihintay na makapaglaro sa Premier Volleyball League (PVL).

Mabilis na naging pangunahing sandata sa opensiba ng Solar Spikers ang miyembro ng Alas Pilipinas sa Reinforced Conference at All-Filipino Conference matapos tuluyang makapag-adjust sa kanyang bagong koponan.

Dahil sa ipinakitang mahusay na laro sa buong season, napili si Belen bilang Rookie of the Year sa 2nd Pilipinas Live PVL Press Corps Awards Night na gaganapin sa Mayo 30 sa Novotel Manila Araneta City sa Cubao, Quezon City.

Ang top overall pick mula sa National University ay nakakuha ng 69 media votes at 26 team votes habang nagtala ng 91.284 statistical points para sa kabuuang 186.284 puntos.

Nalagpasan ng three-time UAAP champion at MVP ang kapwa niya miyembro ng 2025 Draft class na sina AC Miner na may 85 puntos, Jean Asis na may 83.896, at Riza Nogales na may 64.479.

Namayagpag din ang 23-anyos na outside hitter sa All-Filipino Conference matapos pumangatlo sa scoring sa preliminary round sa naitalang 218 puntos. Nagtala rin siya ng 35.16-percent spiking efficiency at pumangalawa sa reception na may 40.84-percent efficiency.

Makakasama rin si Belen sa Mythical Team sa awards night na inorganisa ng Sports Vision.

Bukod sa Rookie of the Year, tatanggapin din niya ang parangal bilang Best Outside Spiker matapos manguna sa botohan sa naitalang 91.284 statistical points, kalakip ang 45 media votes at 33.4 team votes.

Makakasama niya bilang Best Outside Spiker si PLDT star Savi Davison na nagtala ng 89.252 statistical points, 44.4 media votes, at 19.4 team votes.

Kabilang din sa pararangalan si Nxled setter Gel Cayuna bilang Best Setter matapos magposte ng 95.039 statistical points, 64.2 media votes, at 36.4 team votes.

Kinilala naman si PLDT libero Kath Arado bilang Best Libero sa naitalang 91.267 statistical points, kalakip ang 64.2 media votes at 29.4 team votes.

Itinanghal naman bilang  Best Middle Blockers sina Creamline veteran Pangs Panaga at PLDT standout Majoy Baron. Nagtala si Panaga ng 78.63 statistical points, 58.5 media votes, at 28.8 team votes habang may 78.229 statistical points, 47.4 media votes, at 22.2 team votes si Baron.

Kinumpleto ni Farm Fresh star Trisha Tubu ang Mythical Team matapos hiranging Best Opposite Spiker. Pinangunahan ni Tubu ang Foxies sa makasaysayang fourth-place finish sa 2026 All-Filipino Conference matapos magtala ng 108.868 statistical points, kalakip ang 63 media votes at 36.4 team votes.