Overtime

BALDWIN HABAMBUHAY NA BANNED SA UAAP

8 August 2026

IPINATAW ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) ang pinakamabigat nitong  parusa kaugnay ng pagkamatay nina Ateneo de Manila University players Rene Baterbonia at Divine Adili sa isang team-building activity sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8, 2026.

Sa inilabas na pahayag kagabi, inanunsiyo ng UAAP Board na habambuhay na banned si dating Ateneo head coach Thomas Anthony Baldwin na lumahok sa lahat ng kompetisyon at mga kaugnay na aktibidad ng liga sa anumang kapasidad. Bawal din siyang pumasok sa lahat ng venue ng UAAP, at nilinaw ng liga na pinal at hindi na maaaring iapela ang naturang parusa.

Inilabas ang desisyon matapos suriin ng UAAP ang isinagawang internal investigation ng Ateneo, gayundin ang mga opisyal na ulat ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at National Bureau of Investigation (NBI). Hindi nakilahok ang mga kinatawan ng Ateneo sa pinal na deliberasyon at pagdedesisyon ng UAAP Board upang matiyak ang pagiging patas ng proseso.

Sinuspinde rin ng UAAP hanggang sa susunod na abiso sina Ateneo team manager Christopher John Quimpo, assistant coaches Dean Caesar Castaño, Sandro Nicholas Romero Soriano, Reynaldo Jacinto Jr., Hernan Ameer Domingo, Caesar Vincent Javellana Elumba at Grant Hearns, gayundin ang physical therapist na si John Eric Rueca, sa lahat ng kompetisyon at mga kaugnay na aktibidad ng liga.

Habang umiiral ang kanilang suspensiyon, hindi rin sila papayagang pumasok sa mga venue ng UAAP sa anumang opisyal na kapasidad. Hindi tulad ng habambuhay na parusa kay Baldwin, maaari pang iapela sa UAAP Board ang suspensiyon ng iba pang opisyal alinsunod sa mga umiiral na tuntunin ng liga.

Sa kabila ng mga ipinataw na parusa sa coaching staff at mga opisyal ng koponan, sinabi ng UAAP na mananatiling kwalipikadong lumahok ang Ateneo men’s basketball team sa Season 89.

Binanggit din ng Board na kapwa walang rekomendasyon ang PNP-CIDG at NBI na papanagutin ang mga student-athlete na naroon sa insidente, at kinilala silang mga biktima rin ng trahedya.

Bilang kondisyon sa patuloy na paglahok ng koponan sa liga, inatasan ang Ateneo na magsagawa ng masusing pagsusuri sa istruktura at pamamahala ng men’s basketball program nito, pati na ng kabuuang athletics program ng unibersidad, upang higit na mapalakas ang kapakanan ng mga student-athlete, pananagutan ng mga opisyal, pangangasiwa ng institusyon at mga hakbang sa kaligtasan.

Ayon sa UAAP, layunin ng mga ipinataw na parusa na tiyakin ang pananagutan ng mga sangkot, palakasin ang proteksiyon para sa kapakanan ng mga student-athlete at maiwasan ang pag-ulit ng kahalintulad na trahedya.

Muli ring nagpaabot ng pakikiramay ang liga sa pamilya nina Baterbonia at Adili, at inilarawan ang kanilang pagpanaw bilang isang napakalaking kawalan sa buong komunidad ng UAAP.