Overtime

BACK-TO-BACK WINS TARGET NG GILAS VS IRAN

30 August 2026

IKALAWANG sunod na panalo ang asinta ng Gilas Pilipinas sa pagharap nito sa Iran sa pagpapatuloy ng fourth window ng 2027 FIBA World Cup Asian qualifiers ngayong Linggo sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Nakatakda ang salpukan sa alas-8:30 ng gabi, kung saan hangad ng Gilas na mapaganda ang kanilang 3-4 marka at mapalakas ang tsansa na makausad sa 2027 FIBA World Cup sa Qatar.

Kahit wala si naturalized player Justin Brownlee, nagpakita ng bangis ang Gilas Pilipinas matapos itakas ang 82-81 overtime win kontra Jordan noong Biyernes  ng gabi upang putulin ang four-game losing skid.

“There’s a reason for that. When you’re working for a one-point win, you have to value every possession. That’s really the point of that, we’re not necessarily looking for a one-point win, but we’re trying to play as if it’s going to be that,” ani Gilas head coach Tim Cone.

“It means valuing each possession defensively and offensively. But I certainly would have preferred a 10-point win. But at this point, we’re just trying to stay alive and keep fighting for that World Cup,” dagdag niya.

Kabilang sa mga nagningas sa opensa ng All-Filipino Gilas sina 7-foot-3 big man Kai Sotto, Dwight Ramos, Jaymar Perez, at Kevin Quiambao, na kumana ng go-ahead three-pointer.

Gayunpaman ay mababawasan ang puwersa ng Pilipinas matapos na magtamo ng ankle injury si starting forward Carl Tamayo at malabong makalaro kontra Iran.

Samantala, gigil ding makabalik sa trangko ang Iran matapos silang madiskaril kontra New Zealand Tall Blacks noong Biyernes ng hapon, 93-91, matapos na sumablay sa mga krusyal na free throws sa endgame.

Kasalukuyang nasa ikalawang puwesto sa Group E ang Iran tangan ang 5-2 kartada, katabla ang biniktima ng Pilipinas na Jordan.