Overtime

BACK-TO-BACK WINS SA UST SA SHAKEY’S COLLEGIATE TOURNEY

21 July 2026

MULING ipinamalas ng University of Santo Tomas Golden Tigresses ang kanilang bangis matapos pataubin ang College of Saint Benilde Lady Blazers, 25-22, 25-15, 15-25, 25-12, sa 2026 Shakey’s Collegiate National Invitationals kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.

Naging susi sa ikalawang sunod na panalo ng UST ang beteranong trio nina Angge Poyos, Marga Altea at Avril Bron, na nagpasiklab sa fourth set matapos ang paghina ng opensa ng koponan sa third set.

Nanguna si Poyos sa Golden Tigresses sa naitalang 15 puntos, kabilang ang 14 mula sa attacks, bukod pa sa pitong digs at apat na excellent receptions. Nag-ambag naman si Altea ng 10 puntos, pito rito ay sa fourth set, habang tumapos din si Bron na may 10 puntos.

“Nakaka-overwhelm kasi ginawa ko lang po ang best ko para makabawi especially coming nu’ng first set na medyo off pa po. Ginawa ko lang ‘yung best ko nu’ng pinasok ako ulit nu’ng fourth set,” ani Altea.

Bagama’t nakagawa ang UST ng 29 errors sa laban, nagawa pa rin nitong kontrolin ang fourth set matapos maagang mapag-iwanan sa 2-4.

Pinangunahan ni Altea ang isang 6-0 ratsada sa pamamagitan ng tatlong magkakasunod na service aces upang maagaw ang lamang. Pinalobo pa ng Golden Tigresses ang kanilang bentahe sa 21-10 bago tuluyang tinapos nina Altea, Bron at Poyos ang laban.

Sinubukan ng UST na baguhin ang rotation nito sa third set, ngunit sinamantala ito ng Lady Blazers na bumangon mula sa 2-6 pagkakaiwan at nagtala ng 20-10 abante bago naipanalo ang set upang maiwasan ang sweep.

Nagposte si Mary Grace Borromeo ng 12 puntos mula sa 10 attacks at dalawang kill blocks, habang nagdagdag sina Mhonniecka Joyce Soliven ng 12 puntos at Camila Bartolome ng walong marka para sa CSB na bumagsak sa 1-1.