BACK-TO-BACK WINS SA NUNS, ST. JOHN’S SA SGVIL
KINUBRA ng National University-Nazareth School Lady Bullpups ang ikalawang sunod na panalo matapos pataubin ang Lyceum of the Philippines University-Cavite, 25-14, 25-14, sa Shakey’s Girls Volleyball Invitational League (SGVIL) Rising Stars Cup kahapon sa La Salle Green Hills Gym.
Pinangunahan ni Raine Alonzo ang Lady Bullpups sa kanyang 11 puntos mula sa 10 attacks at isang service ace upang manatiling nangunguna sa Pool A tangan ang 2-0 kartada.
“Nu’ng nag-error ako sa simula ng game sinabi ko sa sarili ko na babawi ako. Di pwedeng puro error and kailangan maka-contribute ako sa team,” ani Alonzo.
Nag-ambag sina Splash Obera at Ysabella Cruz ng tig-walong puntos para sa NUNS.
Madaling nakuha ng Lady Bullpups ang unang set ngunit nakaranas ng bahagyang challenge mula sa LPU sa ikalawang set. Mula sa dikitang 9-8 abante, bumanat ang NUNS sa 13-4 na ratsada upang lumayo sa 22-12 at tuluyang kontrolin ang laban.
Nanguna naman sa LPU si Aleah Alipan na may pitong puntos.
Samantala, umakyat din sa 2-0 kartada ang St.John’s Institute Falcons matapos pataubin ang University of the Philippines Integrated School, 25-17, 25-11, upang manguna sa Pool C.
Pinamunuan nina Eileen Yanson at Caera Celis ang opensiba ng St. John’s na may tig-walong puntos. Sinamantala rin ng St. John’s ang 18 errors ng kalaban sa mabilis na 50 minutong laban.
Sa iba pang laro, malakas ang simula ng Season 2 champion Adamson University matapos dominahin ang Emilio Aguinaldo College, 25-16, 25-9, upang makisosyo sa University of Santo Tomas sa ibabaw ng Pool D.
Nagtala si Ellaine Gonzalvo ng 13 puntos, 12 dito ay mula sa attacks, habang nagdagdag sina Janna Dizon at Kristal Martin ng tig-pitong puntos para sa Lady Baby Falcons na tinapos ang laban sa loob lamang ng 43 minuto.
Sa Division 2, naitala ng defending champion Domuschola International School ang ikalawang sunod na panalo sa Pool E matapos ang reverse sweep kontra San Beda University, 16-25, 25-19, 15-13, sa likod ng 15 puntos ni reigning MVP Naihma Banal.
Nakamit naman ng MGC-New Life Christian Academy ang unang panalo sa dalawang laro matapos talunin ang The Beacon Academy, 25-12, 25-18.
Nanatiling walang talo ang Assumption Antipolo sa Pool G matapos manaig laban sa CCF-The Life Academy, 25-10, 20-25, 15-6, habang matagumpay na sinimulan ng St. Jude Parish School ang kanilang kampanya sa pamamagitan ng 25-15, 25-7 panalo kontra PACE Academy.
Sa Pool H, nanguna ang University of Batangas High School na may 2-0 rekord matapos talunin ang Bacolod Tay Tung-B, 21-25, 25-19, 15-12. Nakabawi naman ang Sacred Heart School-Ateneo de Cebu mula sa unang talo sa bisa ng 25-15, 25-21 panalo kontra St. John’s Institute-B.
Sa Pool F, winalis ng UST-B ang Everest International School, 25-10, 25-9, upang manatiling walang talo sa dalawang laro, habang pinahirapan ng host La Salle Green Hills ang St. Theresa’s College-QC bago nanaig, 25-21, 15-25, 16-14, para sa 1-1 kartada.