Overtime

ATENEO MAINIT ANG PAGBABALIK

17 August 2026

NAGING matagumpay ang pagbabalik- aksiyon ng Ateneo de Manila University Blue Eagles matapos pataubin ang Our Lady of Fatima University Phoenix, 71-60, sa Pinoyliga Big Dance kahapon sa Blue Eagles Gym.

Matapos ang dalawang buwang pagkawala sa kompetisyon kasunod ng trahedya sa Aurora, kinailangan munang dumaan ng Ateneo sa dikit na laro bago kumawala sa fourth quarter upang selyuhan ang panalo.

Nanguna sa Blue Eagles ang one-and-done recruit na si Travis Roberts, na nagtala ng 17 puntos at pitong rebounds para tanghaling Player of the Game.

Nag-ambag naman si Kieffer Alas ng 12 puntos, habang naging krusyal din ang kontribusyon ni Jared Bahay sa huling yugto nang palakihin ng Ateneo ang kalamangan.

Pumasok ang Blue Eagles sa fourth quarter na abante sa, 50-47, bago unti-unting lumayo at umabot sa 71-55 ang kanilang kalamangan. Nakabawi pa ang Phoenix sa mga huling minuto ngunit hindi na nito napigilan ang Ateneo na makuha ang panalo.

Pinangunahan ni Mamadou Toure ang OLFU na may 21 puntos, apat na rebounds, dalawang blocks at isang steal, habang may 12 puntos naman si Keith Bencalo.

Ito ang unang laro ng Ateneo mula nang masawi ang mga Blue Eagles na sina Rene Clert “Bobet” Baterbonia at Divine Adili sa isang off-campus team-building activity sa Dipaculao, Aurora, noong Hunyo 8.