Overtime

ATENEO BALIK-AKSIYON

16 August 2026

BALIK sa paglalaro ang Ateneo de Manila University Blue Eagles matapos ang mahigit dalawang buwang pahinga sa pagharap nito sa Our Lady of Fatima University sa Pinoyliga Big Dance.

Nakakuha ang Blue Eagles ng No. 21 seed sa 28-team tournament at nakatakdang sumagupa sa OLFU ngayong araw sa Blue Eagle Gym.

Ito ang unang preseason game ng Ateneo mula nang makaharap nito ang Adamson University sa 2026 Filoil EcoOil Preseason Cup noong Hunyo 6, dalawang araw bago ang pagkamatay nina student-athletes  Rene Clert “Bobet” Baterbonia at Divine Adili sa isang off-campus team-building activity sa Dipaculao, Aurora.

Naging sentro ng ilang imbestigasyon ang insidente, habang patuloy na hinaharap ng Ateneo ang mga isyung iniwan ng trahedya.

Kasama ang Blue Eagles sa 28 koponang kalahok sa Big Dance, na kinabibilangan ng mga kolehiyo at unibersidad mula sa Luzon.

Nagsimula ang torneo noong Agosto 9, ngunit sa knockout stage pa lamang nakatakdang pumasok sa kompetisyon ang Ateneo kontra OLFU.

Magiging mahalagang pagkakataon ang laro para makabalik sa kompetisyon ang Blue Eagles at maipagpatuloy ang paghahanda para sa nalalapit na UAAP season.