Overtime

ARELLANO, ADAMSON PERFECT PA RIN SA V-LEAGUE

30 August 2026

NANATILING malinis ang marka ng Arellano University Lady Chiefs matapos na takasan ang College of Saint Benilde Lady Blazers, 19-25, 25-17, 34-32, 16-25, 15-7, sa 2026 V-League Collegiate Challenge kahapon sa Gameville Central Park sa Mandaluyong City.

Nanaig ang Lady Chiefs sa loob ng dalawang oras upang umangat sa 3-0 at manatiling isa sa mga nangungunang koponan sa torneo. Bumagsak naman ang Lady Blazers sa 1-2.

Matapos ang matinding 39-minutong third set na nauwi sa 34-32 pabor sa Arellano, bumawi ang Benilde sa fourth set at sinamantala ang mga pagkakamali ng Lady Chiefs upang itulak ang laban sa deciding set.

Ayon kay Arellano coach Obet Javer, mahalaga ang naging pagtugon ng kanyang mga manlalaro matapos ang pagkadapa sa fourth set.

“Masayang-masaya kami and siyempre, top team caliber ng NCAA ang nakalaban namin kanina. Kumbaga, ‘yung effort namin the past few days, nagbunga naman,” ani Javer.

Nagtala ng 13 puntos si Samantha Tiratira para pangunahan ang Lady Chiefs, habang may tig-12 sina Cristana Servidad at Catherine Chu.

Sa fifth set, hawak ng Arellano ang 11-7 abante bago tuluyang isara ang laban sa pamamagitan ng apat na sunod na puntos. Si Servidad ang tumapos sa laro sa pamamagitan ng kanyang tira sa kanto.

Para sa Benilde, tig-18 puntos ang naitala nina Mary Borromeo at Camila Bartolome, habang nagdagdag si Fionna Innocentes ng 16.

Samantala, ipinagpatuloy ng Adamson University Lady Falcons ang kanilang magandang kampanya matapos walisin ang reigning NCAA champion Colegio de San Juan de Letran Lady Knights, 25-17, 25-18, 25-16, para sa ikatlong sunod na panalo.

Pinangunahan ni Frances Mordi ang Lady Falcons sa kanyang 17 puntos mula sa 14 attacks, dalawang service ace at isang block. Nagdagdag din siya ng walong excellent receptions at anim na excellent digs.