ALTAS PINAYUKO ANG GENERALS
NAKOPO ng University of Perpetual Help Altas ang unang panalo sa NCAA Season 102 matapos pataubin ang Emilio Aguinaldo College Generals, 83-72, sa men’s basketball tournament kahapon sa Playtime FilOil Centre sa San Juan.
Bumawi ang Altas mula sa pagkatalo sa Letran sa kanilang unang laro upang umangat sa 1-1 kartada sa Group B.
Naging dikit ang laban sa simula ng fourth quarter, kung saan isang puntos lamang ang kalamangan ng Perpetual, 62-61.
Ngunit kumawala ang Altas matapos ang 9-0 ratsada, sa pangunguna ni Rey Maglupay, na bumasag ng tres sa 6:02 mark para ilayo ang kanilang koponan, 71-61.
Patuloy na nakontrol ng Perpetual ang laro at itinarak ang 79-67 kalamangan bago muling nagbanta ang Generals sa 72-79, may 1:57 pa sa orasan.
Gayunman, agad na sinagot ni Mark Gojo Cruz ang rally ng Generals matapos isalpak ang isang tutukang basket para sa 81-72 kalamangan ng Altas, may 1:47 na lang ang nalalabi.
Nagtapos si Gojo Cruz na may 15 puntos, anim na assists at apat na rebounds, habang pinangunahan ni Angelo Gelsano ang Perpetual sa 17 puntos at 10 rebounds.
Nag-ambag din sina LA Casinillo ng 16 puntos, Juan Tulabut ng 15 at Maglupay ng 11 para sa Altas.
Si EJ Castillo naman ang nanguna sa EAC sa 19 puntos at limang rebounds, habang nagdagdag si Harvae Raymundo ng 17 puntos.
Iskor:
PERPETUAL HELP (83) — Gelsano 17, Casinillo 16, Gojo Cruz 15, Tulabut 15, Maglupay 11, Cristino 4, Pagulayan 3, Duremdes 2, Borja 0, Corpuz 0, Velasquez 0, Cauguiran 0, Orgo 0, Montemayor 0.
EAC (72) — Castillo 19, H. Raymundo 17, Bagay 11, Oftana 9, Nunag 6, Ochavo 5, M. Raymundo 3, Bonus 2, Shanoda 0, Sealey 0, Coronel 0, Mundas 0, Luna 0.
Quarterscores: 19-17, 42-36, 58-54, 83-72.