Overtime

ALAS NAGBIDA, ATENEO SWAK SA PINOYLIGA FINAL 4

30 August 2026

PINANGUNAHAN ni Kieffer Alas ang Ateneo de Manila University Blue Eagles sa 83-70 pagdispatsa sa Mapua University Cardinals upang umabante sa Final Four ng Pinoyliga Big Dance kahapon sa Blue Eagles Gym.

Kumamada si Alas ng 22 puntos, siyam na rebounds, tatlong assists at isang block para tanghaling Player of the Game para sa Blue Eagles.

Maagang nakontrol ng Ateneo ang laro matapos kunin ang 16-14 kalamangan sa first quarter bago ito itaas sa 42-38 pagsapit ng halftime.

Nagpatuloy ang magandang laro ng Blue Eagles sa third quarter, kung saan nagdagdag sila ng apat na puntos sa kanilang kalamangan para pumasok sa final quarter na abante sa 62-54.

Tuluyang kumawala ang Ateneo sa fourth quarter matapos nitong dominahin ang Mapua, 21-16, para makuha ang 13-puntos na panalo.

Nagdagdag si Travis Roberts ng 10 puntos para sa Blue Eagles, habang may tig-siyam sina EJ Kapihe at Grayson Rogers.

Pinangunahan naman ni Yam Concepcion ang Mapua sa 21 puntos, habang nagtala si Lance Nitura ng 16.

Ito ang ikatlong sunod na panalo ng Ateneo mula nang muling sumabak sa kompetisyon matapos ang insidente sa Aurora noong Hunyo 8.

Ito ang unang torneo ng Blue Eagles mula nang masawi ang kanilang mga manlalarong sina Rene Clert “Bobet” Baterbonia at Divine Adili sa isang off-campus team-building activity sa Dipaculao, Aurora.