Overtime

ALAS GIRLS OLATS NA NAMAN SA VENEZUELA

17 August 2026

MULING yumuko ang Alas Pilipinas Girls sa Venezuela, 22-25, 15-25, 25-20, 22-25, sa classification round ng FIVB Volleyball Girls’ U17 World Championship kahapon sa Santiago, Chile.

Hindi agad sumuko ang Alas Girls matapos malaglag sa unang dalawang set. Nakabawi sila sa ikatlong set upang maipagpatuloy ang laban, ngunit muling nakontrol ng Venezuela ang takbo ng laro sa ikaapat na set para tuldukan ang kanilang kampanya.

Nagkaroon ng bentahe ang Pilipinas sa service aces, 11-7, at blocks, 7-5, ngunit nanaig ang Venezuela sa attacking department, 59-45. Mas marami rin ang naging errors ng Alas Girls, 24 kumpara sa 21 ng Venezuela.

Nanguna si Xyz Rayco sa opensiba ng Pilipinas matapos magtala ng 15 puntos mula sa 12 attacks at isang block. Nagdagdag din siya ng 12 digs at anim na excellent receptions. May 14 puntos naman si Caera Celis mula sa 13 attacks at isang block.

Nagtala si Jello Mauricio ng siyam na puntos mula sa pitong attacks, isang block at isang ace, habang tumipa ng tig-lilimang puntos sina team captain Megan Yesha Hernandez, Jhaynna Bulandres at Cristina Madele Gale.

Pinangunahan naman ni Nadeth Faye Herbon ang depensa ng Pilipinas sa kanyang 11 digs at anim na excellent receptions.

Sa pagkatalo, nahulog ang Alas Girls sa classification match para sa ika-15 at ika-16 puwesto, kung saan makakaharap nila ang Czechia sa kanilang huling laro sa world championship.