ALAS GIRLS ‘DI UMUBRA SA CHINA SA U17 WORLD CHAMPIONSHIP
HINDI kinaya ng Alas Pilipinas Girls ang lakas ng China upang malasap ang 18-25, 15-25, 13-25 pagkatalo sa kanilang unang laro sa Pool B ng FIVB Volleyball Girls’ U17 World Championship kahapon sa San Felipe, Chile.
Agad na ipinakita ng world powerhouse na China ang tikas nito sa opensiba at depensa upang makuha ang unang panalo.
Sa kabila ng kabiguan, nagningning si Caera Celis matapos manguna sa Alas Pilipinas na may 13 puntos mula sa 12 attacks at isang service ace.
Nangibabaw ang defending champion China sa opensa matapos itong magtala ng 39 attack points laban sa 26 ng Pilipinas. Malaki rin ang naging bentahe nito sa blocking, 11-4.
Mas marami namang service aces ang Alas Girls, 7-6, ngunit hindi nito napakinabangan ang naturang kalamangan dahil sa 19 errors kumpara sa 15 lamang ng China.
Sisikapin ng Alas Girls na makabangon sa susunod nitong laban kontra Mexico na nakatakda ngayong alas-5 ng umaga (oras sa Pilipinas), sa pagpapatuloy ng Pool B competition.
Ang FIVB Volleyball Girls’ U17 World Championship ay nilalahukan ng 24 pinakamahuhusay na youth national teams mula sa iba’t ibang panig ng mundo.